Paul Gutierez

MAGHINAY-HINAY SA PAGBITAW NG SALITA

February 15, 2024 Paul M. Gutierrez 87 views

ANG buong akala natin ay tayo lang ang nabigla, as in nagulat, sa mga binitiwang pahayag kamakailan ni Senador Joel Villanueva, patungkol sa mga party-list representatives sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.

Maging ang kaibigan pala natin na si House Majority Leader at ACT-CIS party-list Rep. Erwin Tulfo ay “nagulantang” din sa “matatalim” na salita na pinakawalan ng senador sa kanyang speech sa plenaryo noong January 24.

Medyo may kabigatan ang ilang pahayag ni Sen. Joel na hindi raw maaring sabihin na “magkapantay” lamang ang party-list representative at senador.

Kung susuriin mabuti ang pahayag ng senador, parang sinasabi nito na mas mataas ang senador kaysa mga kinatawan ng party-list groups o ng alinmang districgt representatives.

Nakalimutan yata ng senador na ang mga party-list representatives ay inihahalal din nationwide, at take note, mas mabigat pa dahil isang party-list lang ang pinipili ng kada botante, kumpara sa senador na hanggang 12 ang maaring iboto ng bawat botante.

Sa pahayag ni kasamang Erwin, sinabi nitong maaring emosyunal lamang ang senador kaya nakapagbitaw ng mga pahayag laban sa mga miyembro ng Lower House. Nang mga panahon na ‘yon ay kainitan ng batuhan ng “putik” ang Senado at Kamara hinggil sa isyu ng Cha-Cha partikular ang usapin ng people’s initiative.

Kamakailan din ay nagpalitan ng akusasyon sina Senador Joel at Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co hinggil naman sa mga umano’y kinasasangkutan nilang kontrobersiya noong mga nagdaang panahon.

Bukod sa parehas kaming nagulantang, magkapareho rin ang naisip namin ni Cong. Erwin na hindi dapat nagsalita nang gano’n si Sen. Joel, dahil tila nakalimutan nito na bago siya naging senador ay dati siyang miyembro ng Kamara bilang KINATAWAN ng Cibac PARTY-LIST.

Ang mabigat nito, kabilang ang ama ng senador, na si Bro. Eddie Villanueva, sa mga pinatutungkulan nito, bilang ngayon ay kinatawan ng Cibac party-list.

Hindi naman “kinagat ni Rep. Erwin ang paliwanag ni Sen. Villanueva na “taken out of context” ang kanyang sinabi. Gayunman, umaasa si kasamang Erwin na mag-retract si Sen. Joel sa kanyang naging pahayag, dahil mistulang insulto daw ito sa mga party-list representatives.

Ipinapaalala natin sa ating mga kagalang-galang na mambabatas na marami pang mas makabuluhang batas ang dapat pagtuunan ng pansin na maipasa, kaysa magpasaringan at magpalitan ng maaanghang na salita.

Sana rin ay panatilihin ng bawat isa ang pagiging “statesman” dahil nakatutok ang sambayanan sa bawat salita na kanilang binibitawan, maging sa session man ito, speech o pahayag sa media.

Payo lang natin sa ating mga kagalang-galang, sana ay mas mabilis ang isip kaysa bibig, dahil bawat lumalabas sa ating bibig ay nanggagaling sa ating isip. Sana ay hinay-hinay sa mga bibitawang salita.

AUTHOR PROFILE