Danny

Showbiz, nagluksa sa pagpanaw ni Danny

November 8, 2022 Ian F. Fariñas 227 views

KABILANG sina Judy Ann Santos, Ogie Alcasid at Lea Salonga sa mga showbiz celeb na nagluksa sa pagpanaw ng OPM icon at APO Hiking Society lead vocalist na si Danny Javier nitong Lunes, October 31, sa edad na 75.

Idinaan ni Juday sa Instagram ang pakikiramay ng kanyang pamilya sa mga naulila ni Danny.

Matatandaan na ang APO Hiking Society ang ni-request na kumanta ni Juday at ng mister na si Ryan Agoncillo sa kanilang kasal sa San Juan, Batangas noong 2009.

Kinanta ng trio ang Wala Nang Hahanapin Pa.

Pagpupugay ni Juday sa kanyang Tito Danny: “My dearest tito danny… i will never forget your hugs, your smile.. your wisdom… how i nervously approached you to ask if APO could sing on our wedding day.. suntok sa bwan ang ginawa namin.. at buong puso nyo kaming pinagbigyan.. tinupad nyo at hinigitan pa ang mga pangarap na yun… hindi natapos sa gabing yun ang pagka kaibigan natin.. nagkakamustahan pa rin tayo at nagkekwentuhan paminsan minsan… salamat tito danny.. salamat sa pagkakataong ibinigay mo para makilala kita nang husto.. nakakalungkot … mabigat.. pero ngayon.. tapos na ang paghihirap at sakit na dinaanan mo.. oras ng magpahinga at maging maligaya sa langit.. mahal ka namin…”

Ang singer-songwriter namang si Ogie, sinabi sa IG na napakarami niyang alaala tungkol kay Danny.

“Ikaw ay hindi naging maramot sa pagbigay ng oras sa aming nga singer noong kami ay nagsisimula pa. Ang pagkakaalam ko pa nga ay ang OPM ay ikaw mismo ang naka isip. Ilang beses din kami nagpunta sa inyong tahanan upang makipagsalo sa iyong pamilya. Ang aming noo’y mga maliliit na gigs ay iyong pinupuntahan para lang kami ay suportahan. Meron pa tayong nagawang kanta nag pinagjamman. At sa inyong show sa Sa Linggo na Po sila at sang linggo na po sila, napakaraming pagkakataon na tayo ay ‘nakaprod.” At syempre noong naisapelikula ang inyong mga awitin at kami nina Gary, zsa, Uge, ang napiling gumanap na magulang sa musical na ito, magpahabang buhay na naitatak sa aming puso ang inyong legacy. Sobrang dami Danny. Wala kaming ibang masabi kundi — Salamat sir. Salamat sa lahat. Mahal ka namin. Magpahinga ka na. Nakikiramay po kami sa lahat ng nagmamahal sa kanya.”

“Rest in peace, Tito Danny Javier. Thank you for all your beautiful music,” naman ang pinost ni Lea sa kanyang social media accounts.

Siyempre, kabilang din sa mga unang nagpahatid ng pakikidalamhati sa pamilya ng yumaong singer ang dati niyang mga kasamahan sa APO Hiking Society na sina Boboy Garovillo at Jim Paredes.

Sa isang Facebook post, sinabi ni Boboy na: “Just feeling the loss of an old faithful friend who knew what love is although sometimes it just doesn’t show. My friend lives on in his music.”

Si Jim naman, umamin na labis niyang iniyakan ang pagkawala ng kaibigan.

Sa naunang pahayag, sinabi ni Justine Javier Long, isa sa mga anak ni Danny, na sumakabilang buhay ang kanyang ama dahil sa “complications due to his prolonged illnesses.”

Nabanggit ang pagkakaroon niya ng congestive heart failure, COPD (Chronic Obstructive Pulmonary Disease) at pag-a-undergo ng peritoneal dialysis.

Pumanaw si Danny alas-singko ng hapon nitong Lunes sa National Kidney Transplant Institute (NKTI) dahil sa cardiac arrest.

“In life, as in his death, our Pop never stopped fighting for what he loved, what he believed in and what he was passionate about,” sabi pa ni Justine. “He left this world with his passion and strength of will intact and we know he would not have it any other way.”

Humingi ng pagkakataon ang pamilya na magluksa nang pribado habang inaayos ang detalye ng burol at libing ni Danny.

“Our family would like to thank everyone for the outpouring of love, prayers and condolences at this difficult time,” dagdag ni Justine, sabay quote sa lyrics ng isang sikat na APO song na Awit ng Barkada: “Sa lungkot at ligaya, hirap at ginhawa, kami’y kasama mo.”

AUTHOR PROFILE