‘Shabu delivery’ rider bistado sa P1M shabu

December 14, 2022 Edd Reyes 104 views

NAHUBARAN ng “pagbabalatkayo” bilang delivery rider ang 38-anyos na lalaking “high-value individual” (HVI) drug suspect makaraang pagbentahan ng shabu ang pulis na nagpanggap na buyer Martes ng gabi sa Valenzuela City.

Ayon kay Valenzuela Police Officer-in-Charge (OIC) P/Col. Salvador Destura, Jr. ang suspek ay residente ng Barangay 180 sa Caloocan City, na nadakip dakong alas-10:30 ng gabi (Disyembre 13) sa 1st Street, Bgy. Marulas sa naturang lungsod.

Inaresto ng mga tauhan ng Valenzuela Police Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ang suspek nang tanggapin ang P40,000 na markadong salapi kapalit ng ibinentang maliit na supot na plastic na may lamang shabu sa pulis na nagpanggap na buyer.

Nang kapkapan siya ng mga tauhan ni P/Lt. Joel Madregalejo, hepe ng SDEU, nakuha ang humigit kumulang sa 225 na gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P1,530,000, markadong salapi, isang mobile phone, at motorsiklo na gamit niya sa pagsasagawa ng ilegal na transaksiyon.

Ayon kay P/SSgt. Ana Liza Antonio, imbestigador ng SDEU na may hawak ng kaso, dinala na sa Northern Police District (NPD) Crime Laboratory ang mga nakumpiskang droga upang isailalim sa chemical analysis habang inihananda na rin nila ang pagsasampa ng kasong paglabag sa Section 5 at Section 11 ng Article II ng RA (Republic Act) 9165 o ng Comprehensive Dangerous Drugs Act laban sa suspek sa piskalya ng Valenzuela City.

AUTHOR PROFILE