Posas

‘Sextortionist’ huli sa QC

January 22, 2024 Melnie Ragasa-limena 131 views

NASAKOTE ng pulisya ang lalaki na nagbantang ikakalat ang hubo’t hubad na litrato ng isang babae sa social media kung hindi magbibigay ng pera sa Quezon City noong Lunes.

Nasa kustodiya na ng Quezon City Police District-Anti Cybercrime Group ang suspek na si Vicente Nunez, 32, ng Brgy. Kangiras, Hilongos, Leyte.

Batay kina Pat Kristine Jadormeo at Pat Eleonor Bulalayao ng QCPD-ACG, isinagawa ang entrapment laban sa suspek dakong alas-12:00 ng tanghali sa harap ng fastfood chain sa Aurora Blvd.

Sa pahayag ng biktima, gumawa ng Facebook account ang suspek na may pangalang Jemar Nunez.

Gamit ang nasabing pangalan, sinabihan ng suspek ang biktima na makipagkita sa motel sa Cubao at magbigay ng pera kung ayaw niyang ilabas ang kanyang mga malalaswang larawan at video.

Nakipagkasundo ang biktima sa suspek hanggang sa kalawitin ng mga awtoridad sa harap ng fastfood chain.

Nakatakdang sampahan ng kasong grave coercion at paglabag sa Republic Act 9995 o Anti-Photo and Video Voyeurism Law, in relation to RA 10175, o Cybercrime Prevention Act ang suspek.