Default Thumbnail

Sen. Manny Pacquiao: I-amend ang Rice Tarrification Law!

May 3, 2021 Marlon Purification 538 views

TAMA ang ginawang hakbang ni Senador Manny Pacquiao na ipaamyenda ang Rice Tarrification Law (RTL).

Sa halip na guminhawa ang buhay ay nagmistulang delubyo ang naturang batas para sa limang milyong magsasaka sa bansa dahil kulang na kulang naman ang pondong inilaan upang sila ay maproteksyonan sa pamamagitan ng Rice Competitiveness Enhancement Fund o Rice Fund.

Hindi rin sapat na tanging sa mga makinarya at mga farm input lamang inilalaan ang RCEF dahil mas mahalaga para sa mga magsasaka ay maibenta sa tamang presyo ang kanilang inaaning palay.

Si Pacquiao ang isa sa mga co-authors ng Republic Act 11203 (Rice Tariffication Law) subalit halos isang taon na aniya siyang nakatatanggap ng reklamo mula sa iba’t-ibang grupo ng magsasaka dahil sa pahirap na dulot ng naturang batas. Sinabi ni Pacman na bahagi ng tungkulin ng isang mambabatas ang gumawa, mag-amyenda at magbasura ng mga batas.

Naghain noong isa pang taon ng Senate Resolution 554 si Pacquiao na naglalayong imbestigahan ng Senate Committee on Agriculture ang implementaston ng RTL, lalung-lalo na ang paggamit sa P10-Billion Rice RCEF. Importante aniyang mabusisi ngayon kung may naidulot ba itong kabutihan para sa ating mga magsasaka.

Nagsagawa rin ang senador ng sariling “Zoom consultation” para sa mga farmer organizations at iba pang grupong may kinalaman sa pagsasaka upang personal na mapakinggan ang kanilang sitwasyon sa ilalim ng RTL. Ito ay upang malaman kung dapat nga bang ibasura ang RTL o mas makabubuting susugan na lamang ito upang maproteksyonan ang interes ng sektor pang-agrikultura.

“Nakakalungkot lang na malaman na itong mga taong nagpapakain sa atin ay sila pa ang mga walang makain,” ani Pacquiao.

Kasama sa mga dumalo sa naturang Zoom consultation sina Melencio Domingo, chairman of Basay Agroforestry Farmers Producers Cooperative (BAFC); Ana Cristina Go, dating kinatawan ng Nagkaisang Magsasaka ng Isabela Agriculture Cooperative (NMI); Engr. Rosendo So, chairman ng Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG); Danilo Bolos, Chairman ng National Confideration of Irrigators- Nueva Ecija; Analiza Villarba, representative ng First Nasugbu Natural Farming Association; Dondon Jonson representative ng Campo Avejar Farmers and Irrigators Association (CAFIA) at sina Erika Jane Carino, Christian Obispo at Antonio Sabangan ng Pag-Asa Youth Farmers (PAYFA) sa Zambales.

Dahil sa RTL ay halos hindi na maibenta ng mga magsasaka ang kanilang mga ani nang dumagsa sa merkado ang mga murang imported rice, samantalang limitado naman ang binibili ng National Food Authority (NFA) sa mga magsasaka.

Gayunpaman, sinabi ni Pacquiao na may mga benepisyo rin namang naidulot ang RTL sa ilang lugar, gaya ng Isabela na aktibo ang mga lokal na pamahalaan sa pagbibigay ng suporta sa kanilang mga magsasaka.

Dahil dito ay napagtanto ng mambabatas na mas makabubuting amyendahan sa halip na ibasura ang RTL upang sa ganoon ay madagdagan ang pondo para sa RCEF at matiyak na may sapat na salapi ang NFA upang mabili ang ani ng mga lokal na magsasaka sa presyo hindi bababa sa P20 bawat kilo ng palay.

Ang mabibili ng NFA na palay ay maari umanong ipamahagi bilang non-monetary incentives para sa mga manggagawa ng pamahalaan kasama na ang mga nasa unipormadong serbisyo.

Tinatayang may 1.7 milyong manggagawa ang pamahalaan (mga nagtatrabaho sa national government, sa local government units at sa mga Government Owned and Controlled Corporations) maliban pa sa higit-kumulang na 360,000 uniformed personnel o mga kasapi sa Philippine National Police (PNP) at sa Armed Forces of the Philippines (AFP).

Umaasa ang pambansang kamao na papakinggan ng liderato ng Kongreso at ng Pangulong Duterte ang hinaing ng mga magsasaka at mapagbigyan ang kanilang kahilingan na madagdagan ang pondo na pambili sa kanilang mga ani.

Sa ganang akin, tama ang hakbang na ito ni Pacquiao na isang tunay na ‘probinsiyano’ mula sa General Santos City.

Noon pa ay paulit-ulit na nating sinasabi rito na ang RTL ang magiging daan upang lumpuhin nang tuluyan ang pinagkakakitaan ng mga kababayan nating magsasaka.

Noon pa ay naniniwala tayong hindi sustainable ang batas na ito dahil walang garantiya mula sa pamahalaan na mas mura nga talaga ang presyo ng imported rice kumpara sa mga prodaksiyon nating bigas dito sa Pinas.

Naniniwala rin tayong pinapatay nito ang kabuhayan ng mga magsasaka at ang agrikultura ng bansa at lalo lamang magpipiyesta ang mga karte ng rice traders.

Sana sa pag-amyenda ng RTL ay tuluyang masilip ang higit na kalagayan ng nakararami nating kababayan, sampu ng sektor ng pagsasaka, kesa sa kapakanan ng mga namumuhunan na noon pa man ay hindi na mabuwag ang talamak na kartel sa industriya ng bigas na isa sa na nagpapahirap sa bansa.