JV

Sen. JV: 20% discount sa seniors, PWDs ‘wag balewalain

January 14, 2024 PS Jun M. Sarmiento 153 views

BINALAAN ni Sen. Joseph Victor Ejercito Estrada ang mga establishments na tumatangging magbigay ng discount sa mga senior citizens at persons with disability (PWD) na itinatakda ng batas ang discount.

Ayon kay Ejercito, hindi makatarungan at labag sa batas ang ginagawa ng ilang kumpanya sa pagtanggi ng mga ito na gamiting ang pribileheyo na ipinagkaloob sa kanila ng batas na ipinasa ng Kongreso.

Bagama’t hindi pinangalanan ni Ejercito ang nasabing establisamento, pinaalalahanan niya ito at iba pang sumusuway sa pagbibigay ng discount na huwag balewalain ang batas na ito.

“Hindi po dapat ipagwalang bahala ang pagbibigay ng kaukulan na discount sa mga senior citizen natin gayundin ang mga PWDs. Iyan po ay naaayon sa batas at dapat po natin igalang at bigyan ng puwang ang kanilang pribilehiyo na makakuha ng kaunting kaluwagan,” paliwanag ni Ejercito.

Nagpaalala si Ejercito sa ilan natin kababayan na huwag abusuhin ang pribilehiyo na ito lalo pa sa mga PWDs.

Nakasaad sa Republic Act 9994 o Expanded Senior Citizens Act ang pribilehyong 20% discount para sa lahat ng senior citizens na Pilipino na may edad 60 anyos pataas.

Makakakuha ng konting discount, partikular sa pagbili ng mga gamot, groceries, hindi pagbabayad ng Value Added Tax, pati mga serbisyo ng doktor at mga pamasahe sa jeep, bus, taxi, eroplano pati sa barko, PNR, LRT, MRT gayundin sa mga punerarya at lahat ng uri ng mga hotels at restoran ang customers na may ganitong edad..

Halos pareho din ang pribilehiyo ng mga PWDs sa ilalim ng Rep. Act no. 10754 o An Act Expanding the Benefits and Privileges of Persons with Disability (PWD).