Bong

Sen. Bong, dumugo ang mata nang agawan ng baril si Beauty

January 26, 2024 Vinia Vivar 123 views

BeautyNAAKSIDENTE pala si Sen. Bong Revilla sa set ng Walang Matigas na Pulis sa Matinik na Misis Season 2 last December.

Na-reveal ito sa grand mediacon kahapon ng nasabing weekly action-comedy series.

Si Ejay Falcon ang unang nag-bring up ng nangyari na inihingi naman niya ng permiso kay Sen. Bong. Ikinuwento niya kasi na sobrang humanga siya sa aktor/politiko na pagkatapos dalhin sa ospital nang araw na ‘yun, sa halip na magpahinga ay bumalik pa sa taping.

Kaya naman natanong kay Sen. Bong ang detalye ng aksidente at ikinuwento naman niya ito.

Aniya, si Beauty Gonzalez ang ka-eksena niya that time. Ang scene ay inagawan niya ito ng baril at kinuha ulit nito sa kanya.

“Aksidente, tinamaan ‘yung mata ko dito. Sa totoo lang, akala ko, nabulag ako. Nagulat talaga ako,” tsika ni Sen. Bong

Nagdugo ang kanyang mata at nagpunta siya sa ospital para ipa-tsek.

“Pina-tsek ko, nagpunta ako sa hospital but I’m okay at bumalik ako sa set. Siyempre, para mawala ‘yung takot ni Beauty. Saka lalaki ang cost ng GMA kung ipa-pack-up ang shooting. Iiyak na naman si Miss Camille,” natatawang sabi ni Sen. Bong.

Si Beauty naman ay sobrang takot na takot habang naghihintay ng resulta ng test sa leading man.

Ang nangyari kasi ay pumasok ang kamay niya sa mata ni Sen. Bong.

Natulala nga umano ang aktres nang mangyari ‘yun at kwento niya, “Gusto ko nang mawala, matunaw.”

Hindi raw niya talaga alam ang gagawin that time dahil alalang-alala siya kay Sen. Bong.

“I was so nervous, I don’t know what to do. But I was like the whole time nakatulala lang talaga ako, hindi ko alam kung ano ang gagawin ko, magpa-Pasko pa naman.

“Ang dami nang tumatakbo sa isip ko. Sabi ko, ‘shucks, bulag siya, patay, ginoo ko Lord,” sabi ni Beauty.

Kung anu-ano na raw ang naisip niya sa tatlong oras na paghihintay niya. Nakahinga lang siya nang maluwag nang biglang dumating si Sen. Bong sa set.

Para naman kay Sen. Bong, hindi maiiwasan ang aksidente sa set at nagpapasalamat din siya kay Lord na walang nangyari sa kanya.

“God is good,” sambit niyang nakangiti.

Samantala, masaya sina Beauty at Sen. Bong na nagbabalik sila bilang Tulume at Gloria sa ikalawang season ng Walang Matigas na Pulis sa Matinik na Misis.

Mas pinaganda raw nila ang 2nd season at mas hitik sa action scenes.

Magsisimula na ito sa Feb. 4 at mapapanood every Sunday, 7:15 p.m., sa GMA network.

AUTHOR PROFILE