Posas

Sekyu ‘hulicam’ sa pagnenenok, tiklo

April 25, 2024 Edd Reyes 49 views

ARESTADO ng mga pulis ang security guard na nangnenok ng alahas at pera sa drawer ng city hall employee sa Valenzuela noong Martes.

Nadiskubre ng 50-anyos na si alyas Francisco, naka-assign sa accounting department ng Valenzuela City Hall, ang pagkawala ng kanyang 18-karat gold ring na nagkakahalaga ng P10,000 at P3,000 ng buksan ang kanyang drawer bago umuwi.

Ayon kay Valenzuela police chief P/Col. Salvador Destura, Jr. humingi ng tulong sa pulisya si Francisco matapos makita sa CCTV na ang sekyu na si alyas Cruz, 40, ang tulisan na tumangay ng kanyang alahas at pera.

Nang suriin nina P/MSg Regimard Manabat at P/MSg Julius Congson, mga imbestigador sa kaso, natuklasan na naganap ang pagnenenok ni Cruz dakong alas-9:25 ng gabi noong Lunes.

Iniutos ni Col. Destura kay P/Cpt Ronald Bautista, hepe ng Detective Management Unit (DMU), ang pagtiklo sa suspek na inabutan pa ng grupo sa lobby ng city hall noong Miyerkules.

Nakuha sa bulsa ni Cruz ang gintong singsing ng biktima pero hindi na nabawi ang pera.

Bukod sa pagkakasibak sa trabaho, mahaharap pa sa kasong pagnanakaw ang sekyu sa Valenzuela City Prosecutor’s Office.

AUTHOR PROFILE