Default Thumbnail

Sekyu binoga ng helper, dedo

April 21, 2023 Gil Aman 205 views

PATAY ang isang security guard ng mabaril ng truck helper na umagaw umano sa baril ng biktima na kainuman nito sa gitna diumano ng mainitang pagtatalo sa Sitio Kawayan Farm, Bgy. Halayhayin, Pililla, Rizal madaling araw ng Huwebes.

Ayon sa Pililla police, ang sekyu ay tinamaan ng bala sa maselang bahagi ng kanyang katawan at namatay sa mismong pinangyarihang lugar na kanilang pinag-iinuman.

Tumakas ang truck helper na bitbit ang ginamit na baril, batay sa ulat.

Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, naganap dakong alas-3 ng madaling araw (Abril 20) ang inuman kasama ang isa pang lalaki na nagsilbing saksi sa umanong away ng sekyu at helper.

Nagkaroon ng pagtatalo umano ang dalawa hanggang sa bumunot ang biktima ng kanyang baril subalit mabilis umanong inagaw ng suspek ito at pinaputukan ang sekyu hanggang sa tumumba ito.

Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya at pagtugis sa suspek.

AUTHOR PROFILE