Sanggol nakitang bangkay, lolang nag-aalaga kulong

June 6, 2021 Melnie Ragasa-limena 109 views

INARESTO ng pulisya ang isang lola matapos iwan sa kaniyang pangangalaga ng hindi pa nakilalang babaeng pinaanak niya ang buhay na sanggol na babae, pero natagpuang patay sa isang parking lot sa Quezon City, nitong Biyernes ng hapon.

Nakapiit na ang suspek na si Maria Tejada, alias Manay Irene, 68, biyuda, vendor, at residente ng Vitongco St., Brgy. Commonwealth, Quezon City, habang pinaghahanap pa ang isang nakilalang Aneta De Guzman na kasama ng hindi pa nakilalang ina ng sanggol.

Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), bandang alas-2: 45 ng hapon (June 4) ng matagpuan ang patay na sanggol sa parking lot sa Gate 2 ng Base 5 MRB Pilot Drive, Brgy. Commonwealth, sa lungsod.

Batay sa imbestigasyon ni PCpl. Angel Pascasio, ang patay na sanggol ay natagpuan ng tanod na si Flegonte Flan habang nagtatapon ng basura sa garbage truck.

Agad na inireport ng tanod ang insidente at ng magresponde sa lugar ang mga pulis sa pangunguna ni PSMS Mauro Calvero, isang babae na nakilalang si Eva Jamito ang lumapit sa kanila at sinabing naikuwento umano ni Tejada na isang buntis na babae kasama si De Guzman ang lumapit sa kaniya at nagpatulong na mailabas ang sanggol sa sinapupunan ng ina.

Matagumpay namang naisilang ang baby girl pero iniwan ito ng ina kay Tejada, kaya naman tumulong ang mga kapitbahay ng lola na magdala ng mga gatas at damit para sa sanggol.

Nitong June 3, bandang ala-1:00 ng hapon, nakita pa umano ni Jamito si De Guzman na nagpunta sa bahay ni Tejada na may dalang gatas at baby bottle para sa sanggol, pero muling umalis.

Nagulat na lamang umano si Jamito nang marinig mula sa kaniyang mga kapitbahay na patay na ang sanggol nitong June 3.

Masusi pang inaalam ng mga awtoridad kung ano ang naging sanhi ng pagkamatay ng sanggol matapos na makitaan ng mga pasa at sugat sa katawan.