Default Thumbnail

Sana naman, Mr. President

May 5, 2022 Paul M. Gutierrez 311 views

PaulPATULOY na lumalakas ngayon ang panawagan na gawin nang holiday ni Pangulong Rodrigo Duterte ang May 9, araw na eleksiyon para makaboto ang mga Pilipinong manggagawa. Sa pagkakasulat nito, nananatiling karaniwang araw ang araw ng eleksiyon o sa madaling salita ay may pasok.

Noong 2019, idineklarang special non-working holiday ang mid-year election ni Pangulong Duterte.

Alam naman nating lahat na minsan lang sa anim na taon na tayo ay boboto ng bagong presidente at bise-presidente ng ating bansa kaya naman mahalaga nating masasabi ang araw na ito.

Kaya naman kung hindi ito idedeklarang holiday ay inaasahan nating maraming mga manggagawa ang hindi makakaboto dahil malamang na unahin nila ang kanilang trabaho lalo na ang mga kontraktuwal o mga “no work, no pay.”

Para sa marami, kanilang pinakahihintay ang araw na ito. Alam naman natin na hindi lamang ito usapin nang pagboto o makaboto kundi nakasalalay din dito ang pag-asa ng mga mamamayan sa pagbabago. Bagamat marami sa mga pangako ng mga politiko ang hindi nagkakatotoo.

Dahil sa totoo lamang, hindi naman talaga nagbabago ang mga pangalan o apelyido ng mga tumatakbo sa posisyon tuwing eleksiyon. Naririyan pa rin at buhay na buhay ang political dynasties sa bansa.

Kaya naman hindi mo masisi ang iba na nawawalan ng positibong pagtingin sa pagboto tuwing eleksiyon. Kaya ang iba mabibili ang boto dahil hindi nila nakikita o nararamdaman ang mga pagbabago na inaasahan nila.

Pero para sa mga mamamayan, ito ang pagkakataon nila para mailuklok ang inaasahan nilang makakapagpabago ng kanilang mga buhay. Maliban pa ito sa isang responsibilidad at demokratikong karapatan ng mga mamamayan ang bumoto.

Maliban sa hinihintay natin na gawing special non-working holiday ang araw ng eleksiyon, sana ay magawa na itong batas para hindi naghihintay ang marami sa ganitong deklerasyon kung gagawin bang holiday o hindi sa mga susunod na panahon.

Dahil maliban sa pagboto at pamimili ng kandidato, maaari din itong maging lunsaran ng voter’s education kung magagawang batas na gawing holiday ang araw ng eleksiyon.

Ito ay upang maipakita din ng pamahalaan na pinahahalagahan nito ang pagboto ng mga mamamayan.

At upang maunawaan din mga mamamayan ang kahalagahan ng pagboto sa kanilang buhay at kinabukasan ng bansa. Kahit na marami pa rin sa mga politiko ang trapo.

AUTHOR PROFILE