Default Thumbnail

Sana hindi-pangkaraniwan ang SONA 2023

July 22, 2023 Magi Gunigundo 229 views

Magi GunigundoBILANG pagsunod sa utos ng 1987 Konstitusyon, ang Pangulo ng Republika ay personal na nag-uulat sa Kongreso sa pagbubukasng regular na sesyon nito na nakatakda tuwingikaapat na Lunes ng Hulyo ng bawat taon(Seksyon23 Artikulo VIII at Seksyon 15 Artikulo VII).

Ang talumpati, na tinawag na Ulat sa Bansa o “state of the nation”(SONA), ay dinadaluhan ng lahat ng miyembro ng unang sangay ng pamahalaan at sinasaksihan ng sambayanan. Normal mapakingggan ang paglalahad ng Pangulo ng mga programa ng administrasyon sa nakaraangtaon, at kung anong mga programa ang aasahan pa sa hinaharap at ang mga babalangkasin pang mga patakaran na maghahatid ng kaunlaran at kasiyahan sa taongbayan. Sana sa Hulyo 24,2023 hindi pangkaraniwang sona ang ating mapakinggan.

Karaniwan na binabanggit sa SONA ang mga numero ng Gross Domestic Product(GDP) upang ipakita ang lagay ng pambansang ekonomiya na sumasalamin daw sa antas ng pamumuhay ng sambayanan. Hindi lahat ay sang-ayon sa pananaw na ito. Marami ang naniniwala na ang GDP ay sinusukat lamang ang pagyaman ng mga mayayaman at maykaya. Kinukubli ng GDP ang napakapangit na estado ng kahirapan ng milyun-milyon nating mga kababayan na hindi kasali sa pag-unlad ng bansa.

May mungkahi na imbes na GDP, dapat gayahin ang Bhutan na sinisikap pataasin ang Gross National Happiness ng kanilang mamamayan sapagkat tinuturing nila na mas mahalaga ang relasyon sa pamilya, pamayanan, at Diyos kesa sa salapi. Maaari nitong bigyan katwiran ang sinabi ng isang kabataan sa isang TV show na “masarap maging mahirap” basta masaya at magkakasama ang pamilya. Ngunit ang ganitong mindset ay hindi tama. Walang masamang maging mahirap, ngunit walang nangarap na maging mahirap, sapagkat tunay na puro pagtitiis at walang katapusang dusa sa lahat ng aspeto ng buhay ang dinaranas ng mahirap bawat araw, buwan at taon. Mas masaya ang pamilya kung hindi na nagdarahop: hindi kumakalam ang sikmura sa gutom, nakapag-aaral ng maayos gamit ang unang wika, nakapagpapagamot ng hindi kapos sa badyet na pambili ng medisina at pang laboratory, at di na ukay-ukay ang suot, at di na nakikitirik ng barong barong sa ilalim ng tulay o sa lupa ng may lupa.

Ayon sa PSA, sa Pilipinas ang mga mayayamang pamilya ay may bilang lamang na 20,000 o 0.1% ng kabuuang 17.4 milyong pamilya sa bansa. At ito ang tinutukoy ni dating Kalihim at Heneral Jose T. Almonte na pangunahing problemang ating bansa (We must level the playing field, p. 18 © 2007). Pinaliwanag ni Almonte na labis ang katatagan at pagkakampante ng kakaunting mayayaman na sarap na sarap sa kanilang lamang sa milyun-milyong mahihirap.

Sinabi ni Almonte na sa kabila ng paglipas ng ilang siglo simula pa bago dumating ang mga Kastila magpasa hanggang ngayon, hindi naman nagbago ang porsiyento ng mayayaman sa populasyon at patuloy silang namamayagpag sa umiiral na sistemang pampulitika-ekonomiko sa anyo ng mga dinastiyang politikal. Nananatiling isang oligarkiya ang Pilipinas na ginamit na dahilan ng mga Amerikano kaya nila sinakop ang Pilipinas noon 1899 upang maituro ang tunay na demokrasya.

Ayon sa dating Pangulo ng Czechoslovakia na si Vaclav Havel, dapat matuto ang mga mayayaman na makinig sa kanilang budhi at balikatin ang moral na obligasyon na tulungan makaahon sa kahirapan ang mahihirap.

Pinaliwanag nina Acemoglu at Robinson nabigo ang isang bansa na maghatid ng ligaya sa lahat ng mamamayan nito dahil sa kasakiman ng naghaharing uri sa paghuthot ng yaman ng bansa. Puede nating sisihin ang mahirap na naghirap dahil sa bisyo, katamaran at pagiging biktima ng panloloko ngunit hindi natin puedeng patuloy na ibunton ang sisi sa mga walang muwang na sumunod na henerasyon na minana lamang ang kahirapan ng magulang at mga ninuno.

Sinabi ni Confucius, “In a country well governed, poverty is something to be ashamed of. In a country badly governed, wealth is something to be ashamed of.” Kung nananatiling mahirap ang bansa, ang mayayaman ang dapat sisihin dahil sa kanilang kawalan ng konsensiya.Tanging mayayaman lamang ang may kakayahan at kapangyarihan na magpatupad ng tunay na repormang maghahatid sa ating bansa patungo sa isang mayamang lipunan.

Sana hindi pangkaraniwan ang SONA 2023 ng Pangulo. Maglahad sana siya ng mga tiyak na hakbang paano kokonsensiyahin ang mayayaman para sila ay tumulong na wakasan ang pagdurusa ng mahirap sa Bagong Pilipinas.

AUTHOR PROFILE