PNP

SAF exec nakitang duguan sa silid, DOA sa ospital

July 10, 2022 Edd Reyes 335 views

ISANG mataas na opisyal ng Philippine National Police (PNP) ang natagpuang duguang nakahandusay sa loob ng kanyang silid na may tama ng bala sa ulo at katawan Linggo ng umaga sa Pateros, Metro Manila.

Kaagad na isinugod sa Ace Medical Center ang opisyal na nakatalaga sa PNP Special Action Force (SAF) at residente ng Brgy. Sto Silangan, Pateros subalit idineklara na siyang patay ng attending physician na si Dr. Vadasseri Chirstopher Sheldon sanhi ng tama ng bala sa ulo at katawan.

Lumabas sa ulat na natanggap ni Southern Police District Director (SPD) P/BGen. Jimili Macaraeg na dakong 8:50 a.m., habang naglilinis ng bahay ang kasambahay ng biktima na hindi na binanggit ang pangalan, nakarinig siya ng dalawang putok ng baril sa loob ng silid ng opisyal.

Kaagad na nagtungo ang naturang kasambahay sa silid ng PAF official at dito siya nagulat nang makitang duguan ng nakahandusay sa sahig ang amo kaya’t kaagad siyang humingi ng saklolo upang madala sa pagamutan ito.

Nakuha naman ng nagrespondeng tauhan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) sa pangunguna ni P/Maj. Antonieta Abillonar ang hindi na binanggit na kalibre ng baril sa silid ng biktima na isusumite sa SPD Crime Laboratory para isailalim sa ballistic examination.

Hiniling din ng SOCO sa pamilya ng opisyal na mapasailalim sa paraffin test ang mga kamay ng opisyal upang alamin kung siya ang nagpaputok ng baril sa kumitil sa kanyang buhay.

AUTHOR PROFILE