Default Thumbnail

‘Pagmaltrato’ ng yaya sa ‘dalagang’ special child nahagip sa CCTV

July 10, 2022 Melnie Ragasa-limena 276 views

NAKUNAN sa CCTV ang pagmamaltrato umano ng isang yaya sa kanyang alagang dalaga na isang special child.

Agad naaresto ang suspek na si Marlyn Regner Bantilan, alias “Lyn”, 55, may asawa, tubong Butuan City at naninirahan sa Congressional Road Batasan Hills, Quezon City.

Sa report ng Payatas Bagong Silangan Police Station (PS 13) ng Quezon City Police District (QCPD), bandang 2:32 p.m. (July 9), ng maganap ang insidente sa loob ng tahanan ng 19-anyos na biktima sa Bgy. Silangan sa lungsod Quezon.

Batay sa imbestigasyon ni Pat Joyce Almaira I Vasquez ng Women and Children Protection Desk ng PS 13, narinig umano ng kapatid ng biktima na sumisigaw ang huli sa loob ng kaniyang silid.

Dahil dito ay tiningnan ng kapatid ang CCTV na naka-install sa loob ng silid ng biktima na nakakonekta sa kaniyang cellphone at inalam kung bakit nagtitili ang biktima.

Doon ay nakita niya na minamaltrato umano ng yaya ang kaniyang kapatid nang hilahin nito ang biktima at saka itinulak dahilan upang bumagsak sa sahig ang dalaga.

Dahil dito ay isinumbong ng kapatid sa kanilang ama ang pangyayari kaya agad namang inireport ang ginawang umano’y pangmamaltrato sa mga opisyal ng Barangay Bagong Silangan at inaresto ang ginang.

Nakapiit na ang suspek habang inihahanda ang kasong paglabag sa Republic Act 7610 Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act (Child Abuse).