Default Thumbnail

Rockefeller ng Pilipinas

August 21, 2021 Magi Gunigundo 525 views

Magi GunigundoSA pagdiriwang ng National Heroes Day, nais kong ipakilala sa inyo si Teodoro Rafael Yangco, ang “Rockefeller ng Pilipinas”, na naglingkod bilang Residenteng Komisyoner sa ika 65th (1917–1919) at 66th (1919–1921) na Kongreso ng Estados Unidos.

Ang posisyon na Residenteng Komisyoner ay nakalaan para sa mga nangungunang industriyalista at mangangalakal na Pilipino na tinuturing na mga gradwalista sa katanungan ng independensya ng Pilipinas.

Sa kabilang banda, sila Manuel L Quezon ay pabor naman sa agarang pagpapalaya ng bansa. Bagamat hindi palaging nagkakasundo sa taktika, parehas lang sila Yangco at Quezon ng layunin- angkalayaan ng Pilipinas na nananatiling pangunahing mithiin ng mga Pilipino.

At sa pagpapairal ng Jones Law na nagtakda ng panahon para sa kasarinlan ng Pilipinas, sinabi ni Yangco,” Ako ay isang negosyanteng tao at naging [kasangkot] sa katanungang ito ng kalayaan ng Pilipinas. Ako ay dapat na isang konserbatibo subalit naniniwala akong darating pa rin ang oras para sa kalayaan. Nagpapasalamat kami sa Amerika para sa magagandang bagay na nagawa niya para sa amin, at ang hangarin namin ngayon na humiwalay sa kanyang panig ay ang likas na pagnanasa ng bata pagdating ng kanyang edad na iwanan ang pangangalaga at pamamahala ng isang magulang.”

Si Yangco, na ipinanganak sa San Antonio, Zambales, noong Nobyembre 9, 1861, ang nag-iisang anak ng magulong unyon ni “Capitan” Luis Rafael Yangco, isang mestizong intsik at mayamang negosyante na tumulong sa pagpopondo sa himagsikan laban sa Espanya, at Ramona Arguelles. Nagtapos siya sa Ateneo de Manila ng Bachelor of Arts noon 1880. Nag-aral ng batas sa Unibersidad ng Santo Tomas ng isang taon, ngunit nahimok siya ng kanyang ama na kumuha ng komersyo sa halip na batas. Sinunod ang ama at nag-aral si Yangco ng komersyo sa Madrid sa loob ng isang taon ngunit nayamot sapagkat walang natutunang bago doon. Lumipat siya ng pag-aaral sa Ealing College, WestLondon.

Nagbalik sa Pilipinas si Teodoro noong 1887, at nagtrabaho sa Twentieth Century Bazaar na pag-ari ng kanyang ama. Sinabihan si Teodoro ng ama na magtrabaho bilang klerk at huwag isipin mag-manager kaagad kahit nag-aral pa siya sa Europa. Noong Agosto26, 1896 sumiklab ang himagsikan. Si Luis Yangco ay dinakip ng mga Kastila at nabilanggo ng anim na buwan. Sa kabila nito, hindi nagpabaya si Teodoro sa mga negosyo ng ama. Kanya naman ng makalaya sa piitan, ginantimpalaan siya nito ng labing tatlong barko upang makapagsimula ng sariling negosyo.

Noong 1907 , permanenteng nasira ang relasyon ng mag- ama. Sa kabila nito, lalong yumaman si Teodoro dahil napayabong niya ang kanyang minana sa magulang dala ng likas na talino sa pagnenegosyo. Nahirang din siya bilang isang director ng Philippine National Bank at pangulo ng Chamber of Commerce ng Pilipinas.

Sa laki ng kanyang kayamanan nagpagawa si Teodorong mga paaralan at palaruan sa buong bansa at nagpadala ng mga iskolar sa Europa at Estados Unidos. Hindi nag-asawa si Teodoro subalit nag ampon ng mga bata, kabilang sina Lucio at Simplicio Godino na magkadikit na kambal na naligtas sa mula sa pagiging palabas ng isang sirko.

Ang Jones Law ang nagbigay ng daan patungo sa kalayaan ng Pilipinas. Sa una, tila hindi nangangailangan ng tinig na pagtataguyod na matagal nang naging diskarte ng mga nakaraang Residenteng Komisyoner,tulad ni Manuel Quezon. Ngunit hindi nagtagal at tumindi ang batikos laban dito at nagbabala ang mga kritiko ng pangamba ng kapinsalaan ng ekonomiya. Ito ang nagpatibay sa pangangailangan para sa isang Residenteng Komisyoner na may kredensyal sa negosyo.

Noong Enero 10, 1917, inihalal ng kapulungan ng Pilipinas ng sabay si Jaime de Veyra — isang mamamahayag na naging pulitiko — at si Yangco bilang Residenteng Komisyoner. Si de Veyra ang kumatawan sa mga pampulitikang mithiin ng sambayanang Pilipino, habang si Yangco ay kumatawan sa mga interes ng negosyo. Balansiyado ang misyon.

Bagamat magkaibigan, nanamlay ang relasyon ni Yangco at Quezon ng hindi nagustuhan ni Yangco ang maskara ng pamumulitika ni Quezon sa Clarke Amendment ng Jones Law na nangako ng kalayaan para sa Pilipinas sa lalong madaling panahon. Alam ni Yangco na si Quezon ay para din sa gradwal na pamamaraan tungo sa kalayaan, ngunit sa harap ng publiko, pabor si Quezon sa agarang kalayaan para makuha ang suporta ng mga taong gusto ito para sa sariling ambisyon.

Sa maraming aspeto, nagsilbi si Yangco bilang sugo ng kulturadong Pilipino, pino ang kilos at pananalita, mapagpakumbaba at mahinahon kahit ubod ng yaman, at sa bukas palad na pagtulong sa kapus palad. Ibang iba si Yangco sa masangsang na reputasyon ng mga Pilipino na magaspang at taong bundok ang pag-uugali o di kaya’y oportunista na asal ng maraming politikong Pilipino.

Pagkaraan magbitiw bilang Residenteng Komisyoner, hindi naglubay si Yangco sa pagpapa-aral ng mga iskolar at pagkakawang gawa. Handog niya sa Young Men’s Christian Association ang lupa na pinagtayuan nito sa Maynila kaya nabansagan siyang “ama ng YMCA sa Pilipinas ”. Namatay si Teodoro Yangco sa edad na 77 sanhi ng pulmonya noon Abril 20, 1939 at ang kanyang labi ay nakahimlay sa Manila North Cemetery. Kwento ito ng isang Pilipino na walang suot na maskara at ang tanging ambisyon ay mapabuti ang kanyang kapwa.

AUTHOR PROFILE