Robin

Robin sa mga kalaban sa pulitika: Kakain sila ng alikabok

October 11, 2021 Vinia Vivar 471 views

Aminado si Robin Padilla na wala siyang laban sa mga kalaban niya sa pulitika pagdating sa talino pero talo niya naman daw ang mga ito sa ibang bagay.

“Wala akong sikat sa mga kalaban kong beteranong politiko pagdating sa paandaran at patalinuhan. Pero pagdating sa paguwapuhan at sa pag-ibig, lalo sa pagmamahal, kakain sila ng alikabok sa akin,” sey ni Binoe sa video na ipinost niya sa Instagram.

As we all know ay kumakandidato si Binoe sa pagka-senador sa eleksyon 2022.

Ayon sa aktor, kapag natalo siya ay mananahimik na siya at hindi na mag-iingay kahit kailan.

“Manalo ako, may pag-asa ang taumbayan. Matalo ako, tatahimik na po ako at hindi na kailan pa mag-iingay para hindi na makaantala sa nais ninyong paroonan,” aniya.

Ang importante raw ay hindi lang siya basta naupo at nanood na lamang sa mga nagaganap sa bansa.

KASAL BAGO KAMPANYA

Sumabak na rin sa pulitika si Tom Rodriguez kaya tiyak na pagkatapos ng kasal nila ni Carla Abellana ay ang kampanya naman kanyang haharapin para sa 2022 elections.

Si Tom ang first nominee ng Anak Maharlikang Pilipino party-list group na isinusulong ang karapatan ng construction workers. Ang kaibigan naman niyang aspiring actor na si Billy James Renacia ang 2nd nominee.

Nakausap nga namin si Billy James last Friday matapos silang mag-file ng COCs (certificate of candidacy) at naikuwento nga niyang matagal na silang magkaibigan ni Tom, bago pa man daw sumali sa Pinoy Big Brother ang aktor.

Through the years ay hindi raw sila nawalan ng communication and in fact, siya ang best man sa kasal ng aktor at ni Carla.

Magkasabay daw silang nangarap at lumaban sa buhay. Pareho rin daw sila ng misyon sa buhay at ito ay makatulong sa kanilang kapwa. Kaya naman masisiguro niyang qualified si Tom na maging kongresista.

“Simula nang magkakilala po kami, wala po siyang ginawa kundi ang tumulong sa kapwa, hindi po alam ng iba ‘yun,” kwento ni Billy James na napanood bilang leading man ni Judy Ann Santos sa FPJ’s Ang Probinsyano.

“Umiikot kami ni Tom every night sa mga frontliner like barangay tanod, pulis, barangay officials, namimigay po kami ng tulong, ng ayuda nang wala po kaming pictures o kahit ano.

“Kahit wala kaming partido, nagpupunta kami sa mga barangay para tumulong. Kanya-kanya kaming bigay ng pera. Mula sa bulsa namin ang itinutulong namin,” lahad pa ni Billy James.

AUTHOR PROFILE