Robin nagpadala ng tulong sa naapektuhan ng Basilan ferry fire

April 1, 2023 Marlon Purification 218 views

Marlon PurificationNOON pa ay nakaririnig na tayo ng magagandang katangian ni Senador Robin Padilla.

Kahit noong nasa showbiz pa lamang siya ay madalas na nating nababalitaan ang pagtulong sa mga kasamahan sa industriya at mga indibiduwal na personal na lumalapit o inilalapit sa kanya.

Naniniwala akong bukod sa pagiging ‘action star,’ isa sa naging dahilan kaya napamahal sa taumbayan si Padilla ay dahil sa magandang asal na iginawi nito sa totoong buhay —taliwas sa pagkakabansag sa bilang ‘Bad Boy ng Pelikulang Pilipino.’

Maraming humahanga na sa kabila ng pagkaka-portray sa kanya ng bilang Bad Boy ay iba naman ang kanyang asal sa labas ng telon.

Ang nakahahanga pa, ang ginagawang kabutihan ni Padilla ay hindi niya ipinapa-media. Sa halip, mismong ilang mamamahayag at mga kababayan nating natulungan ang nagsasabi na lamang nito sa madla.

Kaya nga nang mag-number 1 sa nakalipas na senatorial race, hindi na ko nagtaka dahil bukod sa popularidad, palasak na rin sa mamamayang Pilipino ang pagiging mabuting tao nito.

Batid ng taumbayan na sinsero ang ginagawang pagtulong ni Padilla, hindi pakitang tao at ramdam nila ang pagiging makabayan ng award winning na aktor na isa sa pinakamasipag na senador ngayon ng 19th Congress.

Kamakailan ay nagpadala ng tulong si Robin sa mga naapektuhan ng trahedya sa Basilan kung saan nasunog ang barkong MV Lady Mary Joy 3.

Hindi nakapunta ang senador, ngunit pinakiusapan nito ang kapatid na si Rommel Padilla upang ihalili siya sa pamamahagi ng tulong, partikular na sa Zamboanga kung saan dinala ang ilan sa mga sugatan.

Kasama sa ipinaabot ng mambabatas ang tulong pinansyal sa mga naapektuhan. Katuwang ni Rommel sa pamamahagi ng tulong ang ilang volunteers sa Mindanao.

Nitong Biyernes ay nagpahayag din ng taus-pusong pakikiramay si Sen. Padilla sa mga mahal sa buhay ng mga nasawi at sa mga naapektuhan sa sunog sa MV Lady Mary Joy 3 sa karagatan na malapit sa Basilan.

Ikinalungkot niya na tila “sunud-sunod na ang nangyari sa trahedya sa karagatan ng Pilipinas. Hindi pa natugunan ang mga problemang dulot ng oil spill sa Mindoro.”

“Bukod sa pagsuspindi ng Passenger Ship Safety Certificate ng MV Lady Mary Joy 3, dapat lamang nating balikan ang puno’t dulo kung bakit talamak ang mga trahedya sa karagatan,” ani Padilla.

“Habang iniimbestigahan ang puno’t dulo ng trahedya, kasama ang pagsuri ng paglabag sa polisiya at proseso sa paglalayag, dapat na rin tayong maghanap ng paraan para mapalakas ang ating shipping industry, pang-cargo man o pampasahero,” wika pa niya.

“Naluluma na ang ating mga barko at marami rito ay secondhand na binili sa ibang bansa. Wala rin tayong tunay na kumpetisyon, dahil 40% ng ating ruta ay iisa lang ang operator,” giit pa ng senador.

“Huwag na nating hintayin na magising na naman tayo sa malagim na balita tungkol sa trahedya sa pagbibiyahe,” dagdag pa nito.

Sa puntong ito, lalo tayong pinahanga ni Padilla.

Ibig sabihin, hindi natatapos sa pagtulong sa kapwa ang ginawa ng bagitong senador, kundi sinasamahan niya ito ng tunay na gawa.

Nag-iisip ng pangmatagalang solusyon at hindi basta ‘band aid solution’ lamang.

Ito ang dopat at tamang mentalidad at pag-uugali.

Tumutulong ka na sa kapwa nang walang anumang ingay o pagpapatawag sa media ấy bumabalangkas ka pa ng mga panukalang magagamit hindi lamang sa seguridad sa transportasyong pandagat, kundi pagsisiguro na maiwasan muli ang pagkakaroon ng malagim na trahedya.

At kung ang lahat ng pulitiko ay katulad ni Padilla, uusad nang maganda ang ating bansa.

Karamihan kasi ay plastik na, trapo pa!