Ricky

Ricky at 62, nakapagpapakilig pa

August 29, 2023 Eugene E. Asis 217 views

Ricky1Ricky2GinaSA edad na 62, hindi akalain ng mahusay na actor at director na si Ricky Davao na magkakaroon pa siya ng isang rom-com na pelikula kung saan siya ang bida. Love story ng dalawang senior citizen ang “Monday First Screening” kung saan ang kanyang kapareha ay si Gina Alajar, 64, na tulad ni Ricky ay isang mahusay na aktres at director.

Sa ginanap na celebrity screening ng naturang pelikula na ginanap sa EVM Hall ng Net25 (na siyang producer ng pelikula), lahat ay nagsabing napakaganda ng pelikula at napapanahon.

Tungkol ito sa dalawang retired senior citizen na nagkakilala sa isang sinehan kung saan libreng nakakapanood ang mga senior citizen tuwing araw ng Lunes.

Maayos ang pagkakalatag ng kuwento na dinirek ni Benedict Mique, na sa kabila ng edad ng mga pangunahing karakter na ginagampanan nina Ricky at Gina ay nakapagbigay-kilig tulad sa isang pelikulang mga kabataang artista ang mga gumaganap.

“Natutuwa nga ako sa nangyari,” ani Ricky nang makausap namin pagkatapos ng celebrity screening. “Di ko akalain na sa edad naming ito ni Gina, makakagawa pa kami ng ganitong pelikula na kami ang bida.”

Bagama’t hanggang ngayon ay nagiging bida pa rin si Ricky sa ilang pelikula, ang mga ito ay pawang mga seryoso at nasa kategorya ng independent film. “Kakaiba ito para sa akin,” sabi ni Ricky.

“Kaya naman, dinala ko ang mga anak ko para mapanood nila. Excited ako na makita nila ako sa ganitong karakter na nagpapakilig pa ng manonood.”

Naka-relate si Ricky sa kanyang karakter sa “Monday First Screening” dahil sa kanyang edad. Gayunman, sa totoong buhay ay masasabing taliwas ito sa kanyang karakter dahil bukas naman sa publiko na in love muli ang actor (matapos ang kanilang hiwalayan ng dating misis, ang aktres at singer na si Jackielou Blanco) sa isang (di hamak na) mas bata sa kanya.

Samantala, kasama rin nila ni Gina sa “Monday First Screening” ang mga mahuhusay at kinilalang artista maging sa international scene na sina Soliman Cruz at Ruby Ruiz.

Mapapanood na ito sa higit na 100 sinehan ngayon.

AUTHOR PROFILE