BFP

Rep. Frasco: BFP dapat may firefighting choppers

April 24, 2024 Mar Rodriguez 100 views

NAG-AALALA si House Deputy Speaker at Cebu 5th Dist. Cong. Vincent Franco “Duke” D. Frasco sa paglaganap ng sunog sa iba’t-ibang bahagi ng bansa kaya hinihiling niya sa Bureau of Fire Protection (BFP) at Department of Interior and Local Government (DILG) na bumili ng mga bagong firefighting helicopters.

Nakapaloob sa House Resolution No. 1686 ang panukala ni Frasco para sa BFP at DILG na inihain niya sa Kamara de Representantes kasunod ng nakakaalarmang insidente ng sunog sa loob lamang ng dalawang buwan ngayong 2024.

Ayon sa House Deputy Speaker, pinakamalaking problema sa Pilipinas ang sunog. Ayon din sa kanya, isa sa mabigat na suliraning kinakaharap ng mga bumbero ang masikip na eskinita, kalsada at matinding trapiko kapag rume-responde sila sa sunog.

Idinagdag pa ni Frasco na ang mga lumang kagamitan at sasakyan ang isa pang problema na binabalikat ng mga bumbero kaya’t kadalasan atrasado na ang pagresponde sa sunog bunsod na rin ng malalang traffic congestion sa Metro Manila.

Isinulong din ni Frasco ang HR No. 1686 para hikayatin ang BFP at DILG na maisama sa kanilang budget ang pagbili ng mga bagong firefighting helicopters bilang epektibong solusyon sa aerial firefighting.

Naniniwala si Frasco na sa pamamagitan ng makabago at modernong firefighting helicopters, mas mabilis na matutugunan ng mga bumbero ang mga sunog sa Metro Manila o saan mang lugar sa Pilipinas, partikular sa mga masisikip na eskinita o kalsada.

Binigyang-diin pa ni Frasco na panahon na para magkaroon ng upgrading ng mga equipment ng BFP para hindi na kailangan pang umasa sa ibang sangay ng pamahalaan sa pagpatay ng sunog.

AUTHOR PROFILE