Default Thumbnail

QC mall nasunog, 2 sugatan

March 15, 2022 People's Tonight 311 views

DALAWANG katao ang sugatan nang masunog ang bahagi ng isang mall sa Brgy. Horseshoe, Quezon City, nitong Lunes ng hapon.

Batay sa ulat ng Quezon City Bureau of Fire Protection (BFP), nabatid na ang security guard na si Jessica Baile, 31, ay nagtamo ng minor laceration sa kanyang kanang siko habang ang Sauyo Rescue lineman naman na si Vandam Balobal, 25, ay nagtamo rin ng minor laceration sa kanyang kaliwang kamay.

Lumilitaw na dakong alas-5:02 ng hapon (March 14) nang sumiklab ang apoy mula sa electrical room na nasa ikatlong palapag ng department store ng Robinsons Magnolia na matatagpuan sa Aurora Boulevard kanto ng Dona Hemady St., sa Brgy. Horseshoe.

Napuna na lang umano ng mga tenants ng mall na ang usok sa exhaust vent na unti-unting lumalakas.

Dito na umano sila sinabihan ng mga tauhan ng mall na lumabas na at iwanan ang kani-kanilang puwesto.

Dakong alas-6:05 ng gabi nang maideklarang fire under control ang sunog at tuluyang naapula pagsapit ng alas-8:40 ng gabi.

Sa isang pahayag, sinabi ng pamunuan ng mall na isolated lamang ang kaso at hindi nadamay ang iba pang bahagi ng gusali.

Sa pagtaya naman ng BFP, aabot sa humigit-kumulang sa ₱4,000,000 ang halaga ng mga ari-arian at mga panindang tinupok ng apoy.

Inaalam pa ng arsons investigator ang sanhi ng sunog.

AUTHOR PROFILE