Trike Driver Arestado ng MPD Stn.1 ang suspek na negosyanteng si Julius Quezon matapos na barilin ang biktimang trike driver na si Jose Caones Jr. Kuha ni Jon-jon Reyes.

Trike driver patay sa pamamaril, suspek na negosyante timbog

March 15, 2022 Jonjon Reyes 541 views

NAGAWA umanong pagbabarilin ng isang 56-anyos na negosyante ang isang 51-anyos na trike driver makaraan nitong tangkaing pumasok sa bahay ng una dahil lamang sa pagparada ng tricycle ng biktima sa Tondo, Maynila nitong nakaraang Lunes ng gabi.

Kinilala ni P/Lt. Col. Cennon Vargas Jr. ang biktimang si Jose Caones Jr., may asawa, ng Sofia Street, Tondo.

Natimbog naman at nahaharap sa kasong homicide ang suspek na si Julius Quezon, may asawa ng Moderna St., Bgy. 146, Balut Tondo.

Batay sa ulat na ipinarating ni P/Lt. Col. Vargas kay MPD (Manila Police District) Director P/Brigadier General Leo “Paco” Francisco, bandang alas-6:00 ng gabi nang maganap ang pamamaril sa Moderna St. sa Tondo.

Sa imbestigasyong isinagawa ng MPD-Homicide Section, nagkaroon ng mainitang pagtatalo si Caones at si Quezon dahil sa umano’y nagparada ang biktima ng tricycle malapit sa harap ng bahay ng suspek.

Pinipilit umanong pinaaalis ng suspek ang trike driver pero katwiran nito ay may hinihintay itong pasahero.

Nauwi sa pagtatalo at muntikan pang magpang-abot ang 2 at kumuha umano ng patalim si Caones na agad namang pumasok ang suspek sa loob ng kanyang bahay, ngunit sinundan nito ng biktima sa loob ng bahay kaya ito ay nabaril ng suspek.

Ilang tambay sa lugar ang nagtulong-tulong na maisugod sa Tondo General Hospital si Caones, subalit idineklara itong na itong patay dakong alas-6:45 ng gabi. Jon-jon Reyes at C.J Aliño

AUTHOR PROFILE