Konsehal

Quezon konsehal walang kasalanan

March 1, 2022 Edd Reyes 378 views

NILINAW ng kampo ni Quezon Councilor Arkie Yulde na hindi dapat nakulong ang konsehal ng limang buwan dahil wala naman siyang nagawang kasalanan o nilabag na batas.

Sa kanilang pagharap sa Meet the Press ng National Press Club (NPC) na pinamumunuan ni Paul Gutierrez, sinabi ni Atty. Freddie Villamor, abogado ng konsehal na nakalaya ang kanyang kliyente nang ma-dismiss ang tatlong kasong isinampa sa konsehal.

“Hindi ko alam kung papaano ko makakamit ang katarungan. Ako po ay kumapit na lamang sa panalangin sa Diyos na sana po igiya niya ko papunta po sa kalayaan at makamtan ang hustisya,” pagbabahagi ni Yulde regular na forum ng NPC sa punong tanggapan sa Intramuros, kasabay ng pahayag na hindi umano matatawaran ang ginawang paninira sa kanilang pamilya.

“Ang kinamatay po ng tatay ko ay atake sa puso habang nag-iisip kung papaano po kami makakabuwelta sa paninira pong ginawa sa akin, sa pangalan po ng aking pamilya,” sinabi pa ni Yulde.

Si Yulde ay ipinadala sa kulungan batay sa isang kaso ng panggagahasa at kidnapping na umano’y ginawa ng grupo ng isang Jaime Aquino na dati rin umanong naglabas ng nakasisira sa pangalan at reputasyon ng konsehal sa media, na naging sanhi ng biglaang pagkamatay ng kanyang mga magulang.

Kamakailan lamang ay pinalaya si Yulde matapos makapagpakita ng ebidensya si Villamor na peke rin ang mga kaso laban sa kanya, kasama na ang umano’y biktima ng panggagahasa.

Binanggit ni Yulde na noon pa man ay tagapaglingkod sa bayan ang kanyang mga kamag-anak. “Sa akin po bilang konsehal ng bayan, ito po ang dinanas ko dahil lamang po sa paghahanap ng katotohanan, paghahanap po ng katarungan at paghahanap po ng malinis na pamahalaan dito sa ating bayan,” sabi pa ng opisyal.

Samantala, nauna ng sinabi ni NPC President Paul Gutierrez na pinatalsik na nila bilang miyembro ng NPC si Aquino, correspondent ng The Manila Times sa Pangasinan na umano’y nasa likod ng pagpapakulong kay Yulde

“We don’t know what is worse-media groups inventing journalists as victims of violence so they can get funding from abroad or, members of the press concocting bogus charges against prominent personalities in exchange for money,” pahayag ni Gutierrez.

“We are now announcing the expulsion of Mr. Jaime Aquino from the roster of NPC members without any possibility of reinstatement,” dagdag pa niya.

AUTHOR PROFILE