Default Thumbnail

Pulisya may person of interest na sa pagpatay sa beauty specialist

January 18, 2023 People's Tonight 270 views

POSIBLENG ang kapatid ng may-ari ng sasakyan kung saan natagpuan ang bangkay ng 29-anyos na beauty specialist Martes ng umaga sa Las Pinas City ang tinutukoy na “person of interest” ng pulisya.

Ito’y makaraang lumutang ang may-ari ng kotseng Mazda na may plakang ATA-9782 sa tanggapan ng Las Pinas Police upang ipabatid na noon pang Disyembre 26, 2022 hiniram ng kanyang kapatid ang sasakyan para siya muna ang pumasada para kumita.

Nakalinya ang naturang kotse bilang transportation network vehicle service (TNVS) na posibleng sinakyan ng biktimang si Jennifer Mendoza kung saan nadiskubre ng mga street sweepers ang kanyang bangkay sa passenger seat ng inabandonang sasakyan sa harapan ng Villar Sipag Complex sa C5 Ext. Road, Brgy. Zapote.

Sabi sa pulisya ng may-ari ng naturang sasakyan na residente ng Calamansi St. Maligaya, North Caloocan, noong Disyembre 27 pa niya kinokontak ang kanyang kapatid matapos hindi ibalik ang ipinasada niyang sasakyan subalit pati ang messenger nito ay hindi na rin nilang makontak kaya’t ipina-blotter na niya ang pagkawala ng kotse sa pulisya.

Naawa aniya siya sa kapatid kaya pinayagan niyang pumasada lalu na’t driver din naman ito ng TNVS subalit mula aniya noon ay hindi na nagpakita sa kanya hanggang puntahan siya ng pulisya sa kanilang bahay upang ipabatid na may bangkay na nakita sa loob ng kanyang kotse.

Aminado ang may-ari ng sasakyan na dati ng nakulong ng matagal ang kanyang kapatid matapos masangkot sa ilegal na droga at panghoholdap.

Napag-alaman na nagtatrabaho ang biktima sa Timog Avenue, Quezon City at huli siyang nakaugnayan ng kaibigan sa pamamagitan ng text message dakong ala-1 ng madaling araw noong Martes at mula noon ay hindi na sumagot hanggang matagpuan ang kanyang bangkay dakong alas-9:30 na ng umaga na may tama ng dalawang bala ng baril sa ulo.

Sinabi ni Las Pinas Police Chief P/Col Jaime Santos na nakikipag-ugnayan na sila sa TNVS upang alamin kung sino ang huling nagmaneho ng naturang sasakyan bago madiskubre ang karumal-dumal na krimen habang ang kanilang tracker team ay nagsasagawa na rin ng pagsusuri sa footages ng ilang mga CCTV camera na nakakabit sa paligid upang makatulong sa pagtukoy sa salarin.

AUTHOR PROFILE