Binondo Binasbasan ang mga kapulisan na magpapatrolya sa buong Binondo habang ipinagdiriwang ang Chinese New Year, matapos ang send-off ceremony sa Plaza San Lorenzo Ruiz sa Binondo, Maynila. Kuha ni Jon-jon Reyes

Higit 3K pulis-Maynila idineploy sa Binondo para sa CNY

January 19, 2023 Jonjon Reyes 226 views

TINATAYANG nasa 3,200 na mga kapulisan ang ipapakalat ng pamunuan ng Manila Police District (MPD) upang magbantay sa seguridad sa pagdiriwang ng Chinese New Year (CNY) – “Year of the Water Rabbit” sa Chinatown sa buong Binondo, Lungsod ng Maynila.

Ayon kay Police Major Philipp Ines, hepe ng Public Information Office (PIO) ng MPD, bandang 3:25 ng hapon nitong Miyerkules (Enero 18), nang isagawa ang isang send-off ceremony sa Plaza San Lorenzo Ruiz, sa Binondo sa pangunguna ni P/Col. Raul Tacaca, na siyang deputy district director ni MPD Director P/Brigadier Gen. Andre P. Dizon.

Maliban sa seremonya ay nagsagawa rin ng “showdown inspection” at mastering ng equipment na gagamitin para sa nasabing aktibidad sa Enero 21 hanggang 22 kasabay ng pagbasbas ng holy water sa mga kapulisan at mga sasakayan na gagamitin sa pagpapatrolya buong Binondo.

Ayon naman kay Dizon, mahigpit nitong babantayan ang Binondo tulad din ng mga ginawang pagbabantay sa katatapos lamang na kapistahan ng Quiapo at Sto. Niño de Tondo, at Sto. Niño De Pandacan nitong nakaraang mga linggo.

Layunin ng tinaguriang “The Game Changer General” ang pinaigting na seguridad sa pagdiriwang ng Chinese New Year upang matiyak ang kaligtasan ng bawat isa lalo na sa mga dadalo sa naturang selebrasyon.

Bagama’t may ilang mga pagbabago dahil pa rin sa panganib na dulot ng COVID-19, siniguro ni Dizon na mahigpit pa ring ipapatupad ang health protocols sa nasabing lugar kaya’t naka-antabay na ang mga operatiba ng MPD SWAT, DMFB, TMRU, MTEG, at maging ang mga NGOs na tutulong sa mga kapulisan at ng mga punong barangay sa pamumuno naman ni Chairman Jefferson Lau.

AUTHOR PROFILE