Default Thumbnail

Facebook account ‘hacker’ arestado

January 18, 2023 Edd Reyes 274 views

PATONG-PATONG na kaso ang kakaharapin ng 36-anyos na lalaking nang-hack umano ng Facebook account ng anak ng dati niyang kalive-in matapos mahuli sa entrapment operation Miyerkules ng madaling araw sa Taguig City.

Nag-post ng masasakit at nakakainsultong paninira ang suspek na si Benedick Garcia, residente ng Wack-Wack Palingon, Tipas, Taguig laban sa 28-anyos na dating kinakasama, gamit ang hinack na Facebook account bago tinawagan ang biktima upang takutin at sinabihang makipagkita sa kanya kapalit ng pag-aalis sa mga mensaheng ipinost niya sa Facebook, gamit ang account ng anak ng dating kalive-in.

Pinangakuan pa umano ng lalaki ang dating kinakasama na ibabalik sa kanyang anak ang na-hack na account sa oras na makipagkita sa kanya sa tinitirhang bahay sa Tipas Taguig.

Bago makipagkasundo ang biktima, nakipag-ugnayan na siya sa Taguig City Police Station na kaagad namang nagkasa ng entrapment operation dakong ala-1:15 ng madaling araw, batay na rin sa kagustuhan ng suspek.

Kaagad na pinosasan nina P/Capt. Darwin Salvador, hepe ng Station Intelligence Section ng Taguig police, kasama ang mga opisyal at tauhan ng Eastern District Anti-Cybercrime Team (EDACT), ang suspek, nang lumabas ng kanilang bahay nang sabihin ng biktima na naroon na siya para makipagkita.

Mga kasong paglabag Grave Threat na may kaugnayan sa Illegal Access, paglabag sa R.A. 9262 o ang Violence Against Women and Children Act at paglabag sa Safe Space Act o ang Bawal Bastos Act ang kinakaharap ngayon ng suspek sa piskalya ng Taguig City.

AUTHOR PROFILE