Pulis ‘nagpakita’ ng ari sa resto, timbog

June 2, 2022 Jonjon Reyes 141 views

PASOK sa selda ng Manila Police District (MPD)-Sta. Ana Police Station 6 ang isang 42-anyos na miyembro ng PNP (Philippine National Police) Region ll sa Cagayan, makaraang ipadampot ng magulang ng biktima dahil sa umano’y pagpapakita nito ng kanyang ari habang hinihimas sa isang restaurant sa San Andres Bukid, Maynila nitong nakaraang Mayo 31, 2022.

Agad na nagsumbong ang menor de edad na itinago sa pangalang “Roma” ng San Andres Bukid, kaya dinampot ng kanyang mga kabaro ang suspek na residente din ng nasabing lugar sa Maynila.

Batay sa ulat na nakarating kay MPD Director P/Brig. Gen. Leo “Paco” Francisco ni P/Lt. Col. Orlando Mirando Jr., commander ng MPD-Station 6, bandang alas-10 p.m. nang maganap ang insidente sa isang restaurant sa San Andres Bukid.

Sa imbestigasyon ng pulisya, habang kumakain ng lugaw ang menor de edad, lumipat at tinabihan umano ng nasabing pulis ang biktima at saka umano inilabas ang pribadong parte ng katawan saka hinimas-himas.

Sa takot ng dalagita, tumayo ito at sinubukang tumakbo palayo subalit naging mabilis ang nasabing pulis at nakuwelyuhan nito ang menor de edad na biktima.

Gayunman, nagawa pa rin nitong makaalpas na naging dahilan para makatawag pansin sa mga nagrorondang Barangay tanod at dito na pinigilan ang nasabing pulis na suspek.

Matapos maipa-blotter sa barangay, dinala ang pulis sa Sta. Ana Hospital para isailalim sa medical checkup bago itinurn over ito sa San Andres PCP saka inilipat ang kaso sa Children and Women’ Section ng MPD-Headquarters.

Nahaharap sa kasong paglabag sa “unjust vexation” at kung magiging positibo sa kaso, mahaharap din ito sa kasong administratibo.

AUTHOR PROFILE