Crisologo

PRRD pinasalamatan sa batas ukol sa dagdag bed capacity ng EAMC

July 2, 2021 Ryan Ponce Pacpaco 570 views

PINASALAMATAN ng dalawang Quezon City congressmen si Pangulong Rodrigo “Rody” Duterte matapos lagdaan bilang batas ang House Bill (HB) 6728 na naglalayong dagdagan ang “Bed Capacity” ng East Avenue Medical Center (EAMC).

Iniakda ang HB 6728 nina Quezon City Reps. Anthony Peter “Onyx” Crisologo, Jesus Manuel “Bong” Suntay, at Alfred Vargas na sinuportahan sa Senado nina Sens. Christoper “Bong” Go at Sen. Imee Marcos, chairperson ng Senate committee on local government.

Kinilala ang panukala bilang Republic Act (RA) No. 11561 upang maging 1,000 ang bed capacity ng EAMC mula sa kasalukuyang 600 kung saan si Suntay ang pangunahing awtor.

Sinabi naman ni Crisologo na layunin ng batas na mabigyan ng karagdagang pondo ang EAMC upang maging dekalidad ang mga pasilidad at kagamitan ng ospital.

Naniniwala si Crisologo na mas matutugunan ngayon ng EAMC ang pangangailangan ng kanilang mga pasyente dahil sa isusulong na modernisasyon o upgrading sa ilalim ng RA No. 11561.

Ipinaliwanag pa ni Crisologo na halos tumagal ng 25 taon mula ng huling magkaroon ng upgrading ang EAMC sa pamamagitan ng dating Hospital Director na si Sito Nunez.

Ayon sa mambabatas, inaasahan na magkakaroon ng mabilisan at magandang pagbabago sa EAMC na matagal nang hinihintay doon.

“Sa lahat po ng aking constituents na gumagamit ng guarantee letters para sa kanilang medical bills o bayarin sa EAMC, mas mapag-iibayo na natin ngayon ang pagtulong sa kanila dahil sa RA No. 11561,” ani Crisologo.

AUTHOR PROFILE