Default Thumbnail

Pribatisasyon ng NAIA hindi maganda

January 6, 2023 Paul M. Gutierrez 507 views

PaulBINABASA ninyo ito, dear readers, huwag magulat sa balita na ibinasura lang ng korte kahapon, araw ng Biyernes, ang kasong paglabag sa RA 9165 (Illegal Drugs Law) ng panganay na anak na lalaki ni Department of Justice (DOJ) Secretary Boying Remulla na isinampa ng PDEA.

Hindi rin dapat paniwalaan ang intriga ng mga kurimaw na “impluwensiya” ang dahilan kaya swak sa basurahan ang reklamo.

Bagaman hindi rin tayo abugado, makikita naman na “tinarbaho” (hatchet job) ng ilang mga opisyal sa PDEA at NAIA-BOC ang nangyari upang ilagay sa nakahihiyang sitwasyon si Sec. Boying at mapilitan si PBBM na tanggalin siya sa puwesto.

Bagaman nga kasi bagong upo pa lang siya sa DOJ ay sadyang marami na siyang nasagasaan na malalaking sindikato at mga maimpluwensiyang personalidad sa ating lipunan na matagal nang inaabuso ang ating sistema ng hustisya.

Natutuwa tayo at lumabas ang katotohanan sa kaso ng anak ni SOJ Boying.

***

Hindi nais ni Senator JV Ejercito na maisapribado ang Ninoy Aquino International Airport (NAIA) para mapabuti umano ang serbisyon nito. Ito ay matapos magkaroon ng system glitch na nangyari mismo sa araw ng Bagong Taon.

Walang nakalipad na eroplano sa buong bansa na nagpakansela sa mga flight at nagpa-divert naman sa iba pa. Nasa 65,000 pasahero ang apektado dito.

Sa pangyayaring ito muli na namang naipakita kung gaano nahuhuli ang Pilipinas pagdating sa mga paliparan. Noong nakaraang taon lamang, muling napabilang ang Pilipinas sa may mga pinakamalalang airport sa buong daigdig.

Kaya ang nangyaring aberya noong Bagong Taon ay sa totoo lamang ay hindi na kataka-taka sa isang airport na hindi naman modernisado ang mga gamit. Ito naman ang reyalidad dyan.

At dahil hindi modernisado ang mga gamit at hindi napopondohan mabuti ng gobyerno, ang muling iisipin na naman ang papasukin ang pribadong sektor para ‘masolusyunan’ ang problemang ito.

Ito na naman ang problema natin sa gobyerno. Ang kahulugan ng pagpasok ng pribadong sektor ay parang sinabi na rin natin na incompetent ang mga nasa gobyerno at hindi nila kayang gawing mabuti ang kanilang trabaho.

Bagamat makikita natin na maaaring magkaroon ng improvement kung mapunta sa pribadong sektor ang NAIA alam natin na hindi ito magiging libre. Tiyak na magkakaroon ito ng epekto sa gastusin ng mga pasahero.

Isa pa, isang malaking asset ng gobyerno ang mga paliparan. Malaki dapat ang kikitain ng gobyerno dito kung mapapatakbo lamang ito nang maayos. Dahil ang NAIA ang pangunahing airport sa bansa, malaki ang mawawala sa gobyerno kung mapupunta na naman ito sa pribadong sektor.

Sa madaling salita na imbes na kumita ang gobyerno sa sarili nitong airport, ang pribadong sektor pa ang kikita dito.

Ibig sabihin talo na naman po dito ang mga ordinaryong Pilipino. Baka yung mga may kayang mga Pilipino ay matutuwa para dito dahil may kakayanan silang magbayad para sa serbisyong ibibigay ng pribadong sektor. Pero ang mga mahihirap na Pilipino, maaaring hindi na maging abot-kaya sa kanila ito.

Kaya naman ikinatutuwa natin ang hindi pagsang-ayon ni Senator Ejercito sa nais na pagsasapribado ng NAIA. Subalit ikinalungkot din natin na bukas siya sa ilang bahagi ng NAIA na maisapribado.

Ang problema dito, maaaring maunti-unting maisapribado ang buong NAIA kung papahintulutan ang pagsasapribado ng mga bahagi nito.

Kaya naman ang isa sa maaaring solusyon dito ay makita ang kabuuang plano ng NAIA kung meron man.

Mahalagang ma-modernize ang mga airport dahil ang nangyaring aberya sa NAIA ay isang malaking dagok sa ekonomiya ng bansa. Apektado dito hindi lamang ang transportasyon kundi maging ang turismo sa bansa. Apektado ang buong ekonomiya.

Ang nakakalungkot lang dito ay kailangan pang magkaroon ng mga ganitong aberya na magpapakita sa kabulukan ng airport natin sa buong mundo bago kumilos para mamordenisa ito.

Uulitin natin na mukha ng ating bansa ang airport na kanilang madadatnan. Isa rin ito sa mga indikasyon kung gaano katatag ang ating ekonomiya at kung ano ang prayoridad ng ating gobyerno.

Kung laging magkakaroon ng ganitong mga aberya at nananatiling atrasado ang ating mga paliparan, walang dayuhan ang maeenganyo na mamuhunan at magpunta dito.

Pero kung ang solusyon ay pagsasapribado na naman, gumagawa lamang tayo ng panibagong problema na mas malala pa.

Pahabol: Nagpapasalamat ang National Press Club (NPC) sa liderato ng Comelec sa pangunguna nina Chairman Erwin Garcia at Comm. Nelson Celis sa ginawang pagpili ng komisyon sa NPC bilang isa sa mga partner/stakeholders nito sa mga gagawing hakbang upang mailagay sa ayos ang mga proseso at sistema ng ating halalan.

Patunay lang ito sa patuloy na tumataas at bumabalik na kredibilidad ng NPC bilang pambansang samahan ng mga responsableng mamamahayag.

Makaaasa ang ating mga kababayan sa patuloy na suporta ng NPC upang mapatibay ang ating demokrasya.

AUTHOR PROFILE