Pokwang

Pokwang, nag-sorry sa BI at DoJ

January 28, 2024 Vinia Vivar 132 views

Naglabas ng kanyang saloobin si Pokwang tungkol sa pagpa-file ng Motion for Reconsideration ng ex-partner niyang si Lee O’Brien hinggil sa deportation case na inihain niya laban dito.

Matatandaang nanalo si Pokwang sa kaso at naglabas na ng deportation order ang Bureau of Immigration kay Lee.

Pero hanggang ngayon ay naririto pa rin ito bansa na laging inirereklamo ni Pokie sa kanyan post.

‘Yun pala, ayon sa komedyana sa Instagram, nalaman niya na nagsampa ng MR si Lee nitong nakaraang Dec. 28, 2023 pero may tiwala naman siya na sa kanya papanig ang hustisya.

“Una po sa lahat, nais ko po sanang magpasalamat sa Bureau of Immigration para sa kanilang mabilis at patas na resolusyon sa aking petisyon na maipadeport si William Lee O’Brian. Masaya ako at ang aking mga anak sa naging desisyon ng BI.

“Sa mga dokumento na dumating sa akin, nalaman ko na naghain ng Motion for Reconsideration si Lee noong December 28, 2023. Buo ang tiwala ko na sa amin pa rin papanig ang hustisya dahil nasa aming panig ang katotohanan,” simulang pahayag ni Pokie.

Aminado naman ang Kapuso actress/comedienne na talagang frustrated siya na naririto pa rin sa bansa ang tatay ng bunsong anak na si Malia.

“Aaminin ko na napakahirap ang pinagdadaanan kong ito — may mga araw na napangungunahan ako ng inis at galit. Frustrated ako dahil gusto ko nang mapaalis si Lee sa ating bansa sa lalong madaling panahon,” aniya.

“Nalaman ko noong isang araw na nagfile din ng Motion for Voluntary Deportation si Lee noong January 10, 2024. Wala pa kaming kopya nitong Motion na ito,” lahad pa niya.

Nagpaliwanag din si Pokie na dahil nga sa kanyang galit sa ex ay kung anu-ano na rin ang nasasabi niya sa ibang tao at damay din ang mga tauhan ng BI.

“Naging mabigat ang aking saloobin mula ng nagkaproblema kami ni Lee, at nagpatuloy pa ito kahit nanalo na kami sa deportation case laban sa kanya. Dahil na din siguro ito sa mga limitasyon ko bilang tao, bilang solo parent na nagtataguyod sa aking pamilya. Valid man itong aking mga nararamdaman, hindi ito sapat na dahilan para makapagsabi ako ng mga masakit at walang basehan na bagay sa aking kapwa, partikular sa ating mga kasamahan sa BI,” sey ni Pokie.

Kasunod nito ay humingi ng dispensa ang komedyana sa BI commissioner at sa secretary ng Department of Justice na may mga nasabi siyang hindi maganda.

“Humihingi po ako ng dispensa sa lahat, lalo na sa BI na pinamumunuan ni Commissioner Norman Tansingco at kay Secretary Boying Remulla na namamahala sa DOJ. Naniniwala po ako sa proseso ng hustisya sa Pilipinas. Pasensya na po kung sa bugso ng aking damdamin, ay may mga nasasabi akong di kaaya-aya.

“Gusto ko din magpasalamat kay Atty. Rafael Calinisan at sa Calinisan Domino and Beron Law Office para sa kanilang galing at husay sa pag aasikaso ng aking kaso. Salamat sa pasensya at malasakit ninyo sa akin. Humihingi din ako ng paumanhin sa inyo dahil nailagay ko kayo sa alanganin dahil sa aking mga sinasabi,” ang pahayag ni Pokwang.

Humingi rin siya ng tawad sa madlang people sa mga nabitiwan niyang masasakit na salita.

“Pang huli, humihingi ako ng paumanhin sa taumbayan kung ako ay naging malupit sa aking mga nabibitawang salita. Patawad po, at sana ay patuloy po ninyo akong suportahan sa pamamagitan ng inyong pagunawa at panalangin,” pagtatapos ni Pokwang.

AUTHOR PROFILE