Default Thumbnail

PNP ang problema sa war on drugs

May 11, 2023 Paul M. Gutierrez 246 views

NAGING usapan ang pagsang-ayon ni Pangulong Bong Bong Marcos (PBBM) na mayroong mga pang-aabuso sa paglaban kontra ilegal na droga ng dating administrasyong Duterte sa isang forum na inorganisa ng Center for Strategic and International Studies.

Siyempre, nagsalita rin si dating Pangulong Duterte sa naging pagsang-ayon ni PBBM pero kaniyang pinaliwanag na tama at mayroong mga pang-abuso na naganap dito. Sinabi pa ni Duterte na hindi iyon kritisismo sa kaniya dahil nauunawaan ngayon ni PBBM ang hirap bilang presidente lalo sa problema ng droga.

Lilinawin po natin na may mga pang-aabusong ginawa ang mga tiwali o tolonges na mga pulis sa war on drugs. Maliban sa sinasabi ni dating Pangulong Duterte na collateral damage na hindi maiiwasan kapag droga ang iyong kalaban, ay mga tolonges na pulis talaga ang nang-abuso at hindi ang Pangulo.

Dahil alam po natin ang hangarin ni dating Pangulong Duterte na isalba ang bansa sa ilegal na droga. Kung hindi po niya ginawa iyon at naging matapang sa mga hamong ito ay tuluyan na pong nabaon ang ating bansa sa salot na droga. Alam po nating lahat na hindi iyon naging madali.

Kung titignan po natin itong mabuti, matuwid po ang landas na gustong tahakin ng war on drugs ng dating administrasyon. Wala po itong ibang hangarin kundi malinis ang ating bansa laban sa droga at mga krimen na ibinubunga nito. Dahil kapag ang tao nalulong sa droga ay lahat ng krimen ay kaya nitong gawin.

Kumbinasyon po talaga, iyan. Kapag nandoon ang droga, nandoon din ang krimen. Kaya sa pagsugpo ng droga kasama nitong napapababa ang krimen sa komunidad at iba pang problema.

Nakita po natin ang naging impact nito. Nakita natin kung gaano karaming mga kababayan natin na boluntaryong nasisuko na kundi gumagamit at nagtutulak ng droga. Marami pong komunidad ang nalinis at nawalan ng mga tulak at adik. Mas naging mapayapa po ang komunidad nila ngayon.

Kaya kung pakakatignan po natin, hindi po ang war on drugs ang naging problema. Hindi rin po ang Pangulo ang problema. Ang problema po ay ang mga mapang-abusong pulis sa kanilang kapangyarihan.

Dahil marami naman pong pulis ang matapat na gumampan sa war on drugs na ito kahit na alam nating lahat na mapanganib ang bawat operasyon dito. Dahil may mga talaga naman pong nanlaban sa mga pulis.

Gayunpaman, alam natin na nakikita ngayon ni PBBM ang naging pang-aabuso noong nakaraang administrasyon at alam natin na nakikita din niya na hindi ang war on drugs ang problema. Dahil hanggang ngayon ay alam nating patuloy pa rin ang mga sindikato sa operasyon nito.

Lalo na ngayon na alam nilang malamig ang sitwasyon dahil wala na ang dating matapang na Pangulo, mas madali silang maka-recover sa kanilang ilegal na gawain. Kaya naman muli nating binibigyan ng diin na sana ay muling maging matapang ang kapulisan sa paglaban kontra droga.

Kailangan po talaga na ito ay tuluy-tuloy na kung mahihirapan man na maputol ang ugat nito sa ngayon ay mapigilan man lang ang lalong paglago ng problemang ito.

Kaya umaasa pa rin po tayo na sa ilalim ng administrasyon ni PBBM ay muling maging matapang sa pagharap sa problema ng droga na nananatiling problema sa ating bansa at huwag masayang ang nasimulan ng nakaraang administrasyon.

At dapat lang na tuloy-tuloy ang ‘cleansing’ o paglilinis sa hanay ng PNP. Dahil kahit anong ganda ng ano mang programa at layunin nito, hindi magiging maganda ang resulta kung ang mangunguna sa pagpapatupad nito, katulad ng laban sa ilegal na droga, ay isang organisasyon na nakalubog din sa problema.

AUTHOR PROFILE