Default Thumbnail

Planta ng yelo ‘naka-freezer’ matapos sumingaw ammonia

July 12, 2023 Edd Reyes 259 views

INIUTOS ni Mayor John Rey Tiangco ang pagsasara ng isang planta ng yelo makaraang tumagas ang ammonia na dahilan ng paglikas ng mga trabahador at kanilang kaanak Martes ng gabi sa Navotas City.

Sa ulat ni Navotas City Fire Station investigator FO1 Donnalyne Aquino, dakong 11:57 nang magsimulang umalingasaw ang amoy ng ammonia sa 168 Tube Ice Corp. sa 1054 M. Naval St. Brgy. North Bay Boulevard-Kaunlaran na dahilan upang lumikas ang 12 trabahador at tatlong kaanak ng mga manggagawa na nasa loob ng planta.

Kaagad namang nakapagresponde ang mga tauhan ng Navotas Bureau of Fire Protection (BFP) at naisara ang barbula na nasa loob ng compressor room ng planta na dahilan upang mapigil ang pagtagas ng ammonia dakong alas-12:10 ng madaling araw ng Miyerkules.

Ayon kay Mayor Tiangco, wala namang naapektuhang mga residente sa pagsingaw ng ammonia lalu na’t wala namang kabahayan sa paligid ng planta habang pansamantalang isinara ng nagrespondeng mga pulis at tauhan ng City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) ang kalsada sa tapat ng planta bilang proteksiyon na rin sa mga motorista.

Maging ang mga trabahador at kanilang kaanak ay nasa maayos ding kalagayan at hindi na kinailangan pa ang atensiyong medikal matapos makalabas kaagad ng planta.

Isinasagawa na ng mga tauhan ni Navotas Fire Station chief F/Supt. Jude Delos Reyes ang kaukulang pagsisiyasat, kabilang na ang pagsasagawa ng regular na maintenance ng planta na pag-aari ng isang Robert Sytico bago sila pagkalooban muli ng “permit to operate”.

Ayon naman kay CDRRMO chief Vonne Villanueva, kailangan munang matapos ang isinasagawang imbestigasyon ng Navotas BFP at makumpleto ng pamunuan ng planta ang lahat ng mga kinakailangang panuntunan bago nila irekomenda sa alkalde ang muling pagbubukas nito.

AUTHOR PROFILE