Pekeng paracetamol nasabat sa QC

January 18, 2022 Melnie Ragasa-limena 191 views

NASABAT ng pinagsanib na puwersa ng NPD-DSOU, 4TH MFC, RMFB at Holy Spirit Police Station(PS-14) ng Quezon City Police District (QCPD) ang iba’t ibang klase ng pekeng mga gamot na kinabibilangan ng mga paracetamol mula sa dalawang ahenteng naaresto sa isinagawang buy-bust operation sa Quezon City, Lunes ng gabi.

Ang mga suspek na kapwa sales agents ay nakilalang sina Jessieco Garcia Ibarola, 47, residente ng 30 BF Road Barangay Holy Spirit, QC at Fransisco Capillo Ramal, 45, tubong Sta Maria Romblon at naninirahan sa 93 Mindanao Street, Phase 4 Lupang Pangako, Payatas, QC.

Ang mga suspek ay naaresto nina PSSg Gary Dilag, PSSg Ronel Tamayo, PCpl Arquel Jans Largo at PCpl Jonel Pangindian, pawang nakatalaga sa NPD DSOU kasama ang 4TH MFC, RMFB at Holy Spirit Police Station (PS-14) ng QCPD.

Sa report ng PS-14, QCPD, bandang 9 p.m. (January 17)nang isagawa ang operasyon laban sa mga suspek sa kahabaan ng BF Road, Brgy. Holy Spirit.

Nasamsam sa mga suspek ang ang iba’t ibang counterfeit essential medicines gaya ng pitong kahon ng Paracetamol Neosep Forte, 25 kahon ng Alaxan FR, 12 kahon ng Solmux, 5 kahon ng Amoxcilline Ambimox, 55 kahon ng Bioflu, 5 kahon ng Myra-e, 3 kahon ng Tuseran, 19 kahon ng Medicol, 18 kahon ng Mefenamic Acid Myrene, 3 kahon ng Mefenamic Acid Mecid, 2 kahon ng Amoxicilline Trihydrate, 3 kahon ng Amlodipine Besilate Amlothix, 2 kahon ng Mefenamic Acid Dolfenal, tig-iisang kahon ng Amoxicillin Sapphire, Losartan, Loperamide, Lagunzinc, 40 kahon ng Paracetamol Biogesic, 125 kahon ng Bioflu Paracetamol at 10 kahon ng Flanax Forte 550 mg tablet na umaabot sa halagang P109,000 at buy- bust money.

Kinumpiska rin ang Toyota Van model 1996 na may plakang TMW 876 at Mitsubishi Mirage model 1997 na ginamit sa pakikipag-transaksiyon ng mga suspek.

Inihahanda na ang kasonng paglabag sa Sec. 4 RA 8203 (Special Law on Counterfeit Drugs) laban sa dalawang ahente.