Khonghun Zambales Rep. Jefferson Khonghun

PBBM GINAGAWA LAHAT

May 25, 2024 People's Tonight 126 views

Para maipagtanggol mga mangingisda sa Zambales — Rep. Khonghun

GINAGAWA ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., katuwang si Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, ang lahat upang maipagtanggol at mapangalagaan ang mga mangingisdang Pilipino laban sa pambu-bully ng China at sa gitna ng bantang paghuli sa mga ito kung patuloy na mangingisda sa West Philippine Sea (WPS).

Ito ang sinabi ni Zambales Rep. Jefferson Khonghun sa ginanap na pulong balitaan noong Biyernes, matapos ang ginawang pagdinig ng House committees on national defense and security and on the WPS kaugnay ng “gentleman’s agreement” ni dating Pangulong Rodrigo R. Duterte at ng China kaugnay sa paglimita sa suplay na ipinapadala ng Pilipinas sa Ayungin Shoal.

“Ang ating gobyerno sa pangunguna po ng ating Presidente, Presidente Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, at syempre po ng ating Speaker, Speaker Martin Romualdez, ay gagawin po lahat ng kanilang magagawa upang protektahan ang ating mga mangingisda laban sa banta ng China na huhulihin lalong-lalong sa June 15,” ayon kay Khonghun.

Kabilang na rito, ayon kay Khonghun ang muling pagsusumite ng diplomatic protest laban sa ginagawang pangha-harass ng China at bantang pag-aresto sa mga mangingisda na pupunta sa Bajo de Masinloc sa Zambales, kahit na malinaw na bahagi ito ng teritoryo at exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas.

Sinabi ni Khonghun na mayroong inisyatiba ang Kamara para sa paglalaan ng pondo para sa pagbili ng karagdagang mga sasakyang pandagat ng Philippine Coast Guard (PCG) at ng Philippine Navy sa ilalim ng national budget ng susunod na taon na lalong magpapalakas ng kakayahan ng Pilipinas na maproteksyunan ang mga mangingisda.

“Nakahanda ang ating pamahalaan na protektahan ang ating mga mangingisda. Lalo-lalo na po rito ang commitment po ng ating pamahalaan sa pangunguna po ng ating Speaker upang magdagdag ng mga kagamitan na pandagat upang maprotektahan ang ating mga mangingisda,” ayon sa mambabatas.

“Kailangan natin ipagtanggol ang ating soberanya at ating teritoryo. Nakita naman natin ‘yung deklarasyon ng ating Presidente na hindi siya papayag na any inch ng ating teritoryo ay mapunta sa mga banyaga. So wala tayong isusuko na kahit anong teritoryo sa Tsina,” dagdag pa ni Khonghun.

Pinayuhan naman ni Sta. Rosa City Rep. Dan Fernandez ang mga mangingisda na maglayag ng magkakasama upang mapigilan ang banta ng China na mang-aresto.

“Ang aking advice sa ating mga mangingisda, sama-sama sila. Alam n’yo pag consolidated sila, the more na magkakaroon ng deterrent ‘yan sa magpapatupad ng pagbabawal ng pangingisda sa ating mga mangingisda dito,” ayon kay Fernandez.

“I believe that together we will be having a form of strength na mapapakita natin sa ating Chinese counterpart,” dagdag pa ng kongresista.

Hinimok naman ni Leyte Rep. Richard Gomez ang pamahalaan na ipagpatuloy ang bilateral talks sa China upang maiwasan ang mga insidente ng pagpapakulong sa mga mangingisdang Pinoy.

“We will have to encourage ‘yung continued bilateral talks, lalo na may ganitong pananakot na mangyayari within the next few weeks,” ani Gomez.

AUTHOR PROFILE