Lacuna

Parol Making Contest inilunsad

September 11, 2022 Edd Reyes 434 views

INILUNSAD ng Liga ng Mga Barangay-Manila Chapter na pinamumunuan ni Manila Mayor Maria Sheila “Honey” Lacuna-Pangan ang “Parol Making Contest” sa bawa’t barangay sa Lungsod ng Maynila.

Sa inilabas na kalatas para sa may 897 na mga Punong Barangay na nilagdaan nina Mayor Honey at Department of Tourism and Cultural Affairs Officer-in-Charge Charlie Dungo, ang bawa’t barangay ay inaatasang lumahok at lumikha ng kani-kanilang parol na may kaugnayan sa halamang Nilad na pinagmulan ng pangalan ng Maynila.

Ang Nilad ay isang uri ng halaman na noong mga unang panahon ay saganang tumutubo sa Manila Bay at Pasig River at siyang pinagmulan ng pangalan ng noon ay Maynilad bago pinaikli sa Maynila hanggang sa makilala na bilang Manila sa buong mundo.

Batay sa nakasaad na kalatas o liham, ang timpalak sa paglikha ng parol sa Lungsod ng Maynila ay batay sa maagang pagdiriwang ng Kapaskuhan sa Pilipinas na nagsisimula pagpasok pa lamang ng “Ber Months” kaya’t itinaguyod na ito ng Department of Tourism and Cultural Affiars-Manila at ng Liga ng mga Barangay-Manila Chapter.

Sa ilalim ng patakaran, ang lilikhaing parol ay may sapat na sukat na tatlong talampakang diametro at ang bawa’t barangay ay isa lamang ang isasali sa kompetisyon na kanilang isusumite sa Setyembre 26, 2022 sa sports complexes ng bawa’t distrito/

Ang magwawagi sa District level ay ia-anunsiyo naman sa Setyembre 30, 2022 at ang mapipiling Parol sa bawa’t distrito ay ilalahok naman sa malakihang “Parol Making Contest” sa buong Lungsod ng Maynila kung saan pagkakalooban ng kaukulang premyo na ia-anunsiyo sa mga susunod na araw para sa mananalo.

AUTHOR PROFILE