Default Thumbnail

Parking boy tinodas sa Ermita

September 3, 2022 Jonjon Reyes 492 views

DALAWANG beses pinaputukan ang isang parking boy sa isang pamamaril sa Maria Orosa Street sa panulukan ng United Nations Avenue Ermita, Maynila, Sabado ng madaling araw.

Nakilala lamang sa alyas “Arman” ang biktima at walang tiyak na tirahan sa lungsod.

Ayon sa ulat na nakarating sa tanggapan ni P/Lt. Dennis De Jesus, hepe ng Manila Police District (MPD) Homicide Section, bandang 2:15 ng madaling araw nang pagbabarilin ang biktima na lulan ng kulay pulang Toyota Vios na walang plate number.

Ayon sa salaysay ng isa ring parking boy na kasamahan ng biktima, habang siya ay nakaupo sa tabi ng Gracias Foods from Heaven Restaurant sa nasabing lugar ay narinig niya ang dalawang malakas na putok ng baril.

Nakita nito na parang balewala lang sa ‘di pa nakikilalang gunman dahil naglakad lamang ito sa hindi kalayuan sa lugar kung saan nakaparada ang ginamit nitong getaway vehicle patungo sa direksyon ng Roxas Boulevard.

Gayunman, nagbakasakali ang Tactical Motorized Reaction’s Unit na pinangunahan ni P/Lt. Cristobal Duque ang tumakas na gunman habang sinusuri nito ang CCTV (closed-circuit television) camera sa mga dinaanan nito, subalit bigo ang mga operatiba na matimbog ang salarin.

Kinordon naman ng mga awtoridad ang lugar bago itinawag sa SOCO (Scene of the Crime Operatives) na pinangunahan ni P/Lt. Rex Manlansing.

Pansamantalang inilagak sa Cruz Funeral Morgue ang biktima para sa kaukulang awtopsiya.

AUTHOR PROFILE