Tolentino

Pananakit, pang-aabuso ng China sobra na–Tolentino

December 12, 2023 Camille P. Balagtas 225 views

NAPAPANAHON na para ipakita sa China na hindi katanggap-tanggap ang kanilang pananakit at pang aabuso sa mga Pilipino sa gitna na lumalalang tensyon sa West Philippine Sea, ayon kay Sen. Francis Tolentino.

Iginiit ng senador walang dahilan para magtimpi tayo at hayagan na aniyang ipakitang hindi tama ang trato sa atin ng China sa pamamagitan ng pagpapauwi sa ambassador ng China sa kanilang bansa.

Ayon pa kay Tolentino, tama lang na bigyan ng Pilipinas ng isang matapang na mensahe ang China para maintindihan nito na lubhang nakatatapak na sila sa ating soberanya at upang mabatid din ng international community ang hayagang pambabastos at pang aapi na dinadanas natin kaugnay ng agawan sa WPS.

“Sa pag-recall, bukas pa rin ang consulate sa China, pero ipakikita sa buong international community na sobrang-sobra na ang paglapastangan sa atin,” giit ni Tolentino, chairperson ng Senate Special committee on maritime and admiralty zones.

Wala na aniyang dapat agam-agam ang mga Pilipino sa gitna ng mga kabulastugan na ipinakikita ng China sa agawan sa WPS

Iginiit din ni Tolentino na kailangan bigyan na kaukulan na atensyon ang pagtalakay sa Maritime Zones Act law na napapanahon na aniya at upang mapag ukulan ng tamang proteksyon na naaayon sa batas ang ating mga mangingisda na siyang tinatamaan nang husto sa pang aapi at pag aangkin sa ating karagatan.

Idinagdag pa niya na ang tamang mensahe sa mga mananakop ng ating karagatan ay dapat iparating ng malinaw gayundin sa international community na siyang nakikinig sa hinaing ng ating bansa.

“Hindi namin kinikilala ang force occupation niyo (China). Ginawa natin na ang arbitral ruling na bahagi ng batas. Pati ang UNCLOS (United Nations Convention on the Law of the Seas) gagawin nating domestic law ito na kikilalanin ng international community,” paliwanag ni Tolentino.