Quiboloy Pastor Apollo C. Quiboloy

PALUGIT TAPOS NA!

March 18, 2024 PS Jun M. Sarmiento 88 views

ITO ang mariing pahayag ni Senadora Risa Hontiveros at sinabing naibigay na ng kanyang komite ang lahat ng uri ng palugit at akomodasyon sa founder at lider ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC), si Pastor Apollo Carreon Quiboloy, sa gitna ng mga patutsada nito habang naghihintay ng ruling sa show cause order na tumagal ng 48 oras.

Sa ginawang panayam sa mga mamamahayag Lunes, March 18, sinabi ni Hontiveros, na siyang ang chair ng Senate committee on women, children, family relations and gender equality, na matinding konsiderasyon na at pangunawa gayundin ng pagbibigay ang ipinagkaloob ng kanyang komite kay Quiboloy, kung saan ay unang humingi ng signatura ng walong miyembro ng komite na hindi naman naabot sa loob ng pitong araw, at sinundan ng kahilingan ni Senate President Juan Miguel Zubiri na payagan ang show cause order upang hindi magmukhang abusado sa kapangyarihan ang Senado, partikular ang mga komite na nagsasagawa ng imbestigasyon in aid of legislation.

Matapos ang 48 oras na palugit, umapela si Hontiveros sa kanyang kapwa mambabatas sa Senado na protektahan ang integridad at imahe ng kanilang institusyon upang maipakita sa taumbayan ang kahalagahan ng respeto para sa Senado.

“This level of mockery is unprecedented. Kung magkamali kaming pagbigyan si Quiboloy sa ganyang klaseng pampabastos niya, ‘yun ‘yung magiging simula ng pagdegrade ng kapangyarihan ng Senado. Kaya hinding-hindi po namin papayagan ‘yan,” ani Hontiveros.

Iginiit niya na naging patas ang komite sa lahat ng pwedeng konsiderasyon na dapat maibigay kay Quiboloy na kasalukuyang nahaharap sa iba’t ibang akusasyon tulad ng sex abuse, child abuse at human trafficking.

Sa kanyang committee ruling bilang tugon kay Quiboloy sa show cause order, sinabi ni Hontiveros bilang chair ng komite ang mga sumusunod:

“1. Deny the prayer to raise the issue of the Show Cause Order to plenary as this is not contemplated or covered by the Senate Rules of Procedure;

2. Deny the prayer to recall the subpoenas dated February 19 and March 5, 2024 considering that the power of the legislature to call witnesses to testify is well-settled in jurisprudence;

3. Deny the prayer to set aside the Contempt Order for the grounds above-cited and because the Contempt Order has already been upheld by the failure of the Objector-members of the Committee to muster a majority within seven (7) days from the issuance of the citation; and

4. Request Senate President Juan Miguel Zubiri to approve the issuance of an Arrest Order against Respondent Apollo C. Quiboloy, in order to compel his attendance before the Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality.”

Iginiit niya rin sa kanyang ruling na ginawang katawa-tawa ni Quiboloy ang komite na lubhang nakababahala at hindi tamang palagpasin.

Inilahad niya sa ruling ang Section 19 ng Senate Rules and Procedure na naging gabay ng lahat ng mga komite sa pagiimbestiga at pagdinig sa mga isyu na nakalatag sa kani-kaniyang komite.

“Sec.19. Privilege Against Self-Incrimination. A witness can invoke his right against self-incrimination only when a question which tends to elicit an answer that will incriminate him is propounded to him. However, he may offer to answer any question in an executive session.”

“No person can refuse to testify or be placed under oath or affirmation or answer questions before an incriminatory question is asked. His invocation of such right does not by itself excuse him from his duty to give testimony.”

Niliwanag din ni Hontiveros na dahil tapos na ang lahat ng mga konsiderasyon at pagbibigay ng kaniyang komite, ang contempt order niya ay umaandar na aniya na nakasaad din sa kanyang ruling.

“…the Committee makes of record that Respondent is already in contempt, pursuant to the Chair’s ruling on March 5, 2024, and the failure to overturn the citation by Objector Senator Robinhood C. Padilla; thus, the only way to purge it is for him to present himself before the Committee.”

Isinaad din niya ang mga kaso tulad ng “2018 case of. Balag vs Senate of the Philippines and Senate Committee on Public Order (G.R.No.234608), where the Supreme Court held that it is recognized that the Senate’s inherent power of contempt is of utmost importance.”

Sa kanyang argumento, sinabi ni Hontiveros na hindi niya na puwedeng pagbigyan muli na magkaroon pa ng hiwalay na botohan sa plenaryo na kagaya ng show cause order na hindi naman nakasaad sa rules ng senado.

Ang botohan ay sasamahan ng iba pang senador na hindi naman miyembro ng komite at ito aniya ay hindi katanggap-tanggap para sa kanya lalo at wala na naman aniya ito sa itinatakda ng rules sa mataas na kapulungan.

“He’s (Quiboloy) really challenging, pero at least hakbang-hakbang na ipapakita ng Senado na hindi talaga siya above the law. Hindi po ako nababahala o ano pa man kung meron akong mga kasamang senador na sumusuporta sa kanila dahil ‘yun naman po ay karapatan ng bawat isa sa amin magkaroon ng sariling posisyon,” aniya.

Matatandaan na diumano’y nagtakda pa ng 17 sets of conditions si Quiboloy kung saan ay nais nitong pirmahan ni Hontiveros na may notaryo pa ng isang abogado, ngunit pinagtawanan lamang ng senadora dahil aniya’y walang kapararakan ito at hindi makatuwiran.

Kung matatandaan aniya, ibinigay niya ang lahat ng request sa komite ni Sen. Robinhood Padilla na humingi ng pitong araw para mapapirma ang walong miyembro ng komite, ngunit lima lamang sa mga ito ang nagbigay suporta kay Quiboloy na sinundan na nga ni Zubiri ng show cause order ruling gamit ang desisyon ng kataas-taasang korte sa Pharmally case, kung saan ay inilahad ng pinuno ng Senado ang importansiya na huwag maabuso ang sinumang nahaharap sa Senado ayon sa Korte Suprema.

Mariin naman ang paliwanag ni Hontiveros na bagama’t hindi nga maituturing na korte ang Senado ay naaayon aniya sa batas ang pagdinig na kanyang ginagawa, sapagkat ito ay tumutukoy sa mga batas na dapat malikha tulad ng pagbibigay proteksyon sa mga trabahador ng Sonshine Media Network Internaitonal (SMNI) na diumanoy hindi nakatatanggap ng kanilang suweldo dahil sa sinasabing sila ay nasa paglilingkod sa religious organization tulad ng KOJC.

Panahon na upang bigyang linaw ang mga isyung tulad nito na saklaw naman aniya ng batas, ngunit dahil malabo ang batas sa pagbibigay ng proteksyon lalo may “separation of church and state” ay nagiging daan ito upang mapagsamantalahan ang ilan sa mga kababayan gamit ang relihiyon, sabi ni Hontiveros.

Bukod pa dito aniya ay ginagamit din sa mga hindi makatuwirang aktibidades tulad ng panlilimos.

Ani Hontiveros, naimbita na niya sa susunod na pagdinig ang Anti-Money Laundering Council upang alamin at busisiin kung mayroong pagkakamali at pang-aabuso na maituturing ding money laundering ang KOJC gamit ang mga mananamba nito.

Sa nagdaang pagdinig, sinabi ng testigong si Reynita Fernandez, domestic helper sa Singapore, na ginagamit ni Quiboloy ang kanilang mga bank account sa pagpapadala ng pera derecho sa KOJC.

Ang komite ni Hontiveros ay pormal nang nagpadala ng ruling sa mga abogado ni Quiboloy at sakaling matanggap na ito ng pormal ay hihingin nito kaagad ang pagpirma ng kanyang warrant of arrest kay Quiboloy sa lalong madaling panahon.

“Any minute now, the Senate President, ire-request natin as soon as matanggap ng abogado ni Quiboloy itong ruling ng committee, any minute then pwede nang iisyu ‘yung arrest order,” ani Hontiveros.

Aniya talagang matinding pagsubok ang kasalukuyan nilang dinadaanan lalo’t patuloy ang ginagawang pagtanggi ni Quiboloy, bukod pa aniya sa katotohanan na talagang marami itong kaibigan at maimpluwensiya ito sa maraming tao sa Senado.

Gayunpaman ay iginiit pa rin ni Hontiveros ang paniniwalang hindi matitinag ninuman ang pagiging independent ng Senado at titindig upang maging huling baston ng demokrasya para sa bansa.

“My ruling is in motion. Hindi na po magbabago. Quiboloy continues to brazenly taunt the committee by releasing his 17 sets of conditions before he will appear. Mas lalong lumakas ang pangangailangan talagang i-contempt na siya. Muntik pa tayong linlangin ng kanyang abogado na si Atty. Topacio nang sabihin nitong fake news ang mga kondisyones ni Quiboloy. Hindi na po palalampasin ng Senado ang ganitong kawalan ng respeto. He must show up and respect the institution of the Senate,” ani Hontiveros.