BBM

WAR VS CRIME NAPANATILI

March 18, 2024 People's Tonight 97 views

Sa unang dalawang buwan ng 2024 — PBBM

NAPANATILI ang maigting na paglaban ng gobyerno kontra kriminalidad sa pagsisimula ng taon ayon mismo kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

Sa kaniyang talumpati sa panunumpa ng mga bagong promote na mga opisyal ng Philippine National Police (PNP), pinapurihan ni Pangulong Marcos ang pwersa ng kapulisan sa kanilang tagumpay na pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan.

Tinukoy nito na ang naitalang 295,382 na krimen noong 2017 ay bumaba na sa 207,143 noong 2022.

“We brought it down further to 198,617 in the first full year of this administration. Index crimes have gone down threefold in the same period. From 107,899 in ‘17 to 38,436 last year,” sabi pa ng Pangulo.

Tinuran ng punong ehekutibo ang 98 na porsyentong crime clearance efficiency nitong 2023 at dahil sa patuloy na pagsisikap ng PNP sa unang dalawang buwan ng 2024.

“Compared to January to February of last year, there were fewer cases of theft, robbery, carnapping, rape, and physical injury,” saad ni Pangulong Marcos.

“And we have done it without resorting to legal shortcuts, or short-circuiting the process or acts that subvert the rule of law,” dagdag niya.

Kinilala din ng Pangulo ang 50 porsyentong pagbaba sa insidente ng paglabag sa karapatang pantao sa 2023 kumpara noong 2022.

Pinapatunayan lamang aniya ito na ang mga panuntunan na nagpapalakas sa pinakadiwa ng demokrasya ay hindi pahirap bagkus ay mahalagang bahagi ng pagbibigay hustisya.

Sa kabila naman ng magandang resulta, pinaalalahan ng Pangulo ang PNP na huwag magpakampante.

“So, let me make this very clear, we should not be content with the current decrease in crime rates. While the statistics can be counted, and crime incidents reduced, even in their diminished state, the disturbance they cause is still immeasurable,” sabi ni Marcos.

Sa ilalim ng isinusulong na Bagong Pilipinas ng administrasyon, binigyang diin ni Marcos na ang pagkakaisa ng publiko ay nakaangkla sa kapayapaan na patotoo na disidido ang administrasyon na tiyakin ang kaligtasan ng taumbayan.

Hinikayat din ng Pangulo ang PNP na pagtuunan din ang paggamit ng makabagong teknolohiya sa paglaban sa cybercrime na may malaking epekto sa kapakanan ng publiko at pambansang interes.

AUTHOR PROFILE