Default Thumbnail

Pagtataguyod ng Regionalized na Bilangguan sa Bansa

October 10, 2022 People's Tonight 554 views

RobinHINDI tunay na makikilala ang isang bayan hangga’t hindi nakakapasok sa loob ng mga kulungan nito. Ang isang bansa ay hindi dapat husgahan sa kung paano nito tinatrato ang pinakamataas na uri ng mamamayan, kundi sa pagtrato nito sa pinakamababa sa lipunan.”

Sa usapin ng karapatan ng mga bilanggo, ito po ang mahalagang mensahe ni Nelson Mandela, ama ng bansang South Africa at kinilala sa buong mundo sa kanyang mga anti-kolonyal at anti-apartheid na pananaw.

Kung ang kulungan ang basehan ng pagkakakilanlan ng isang bayan, ano na lamang po ang ating hulma, uri, at pagkakalarawan?

Hindi po natin maikakaila, ang mga preso sa bansa ay halos parang mga sardinas na nagsisiksikan sa lata dahil sa over congestion. Ang kabuuang prison system ng bansa ay nangunguna sa listahan ng mga may pinakamasikip o overcrowded na pasilidad sa buong mundo ayon sa World Prison Brief.

Sa tala ng Bureau of Jail Management and Penology, pumapalo na sa 372% ang congestion rate sa ating mga kulungan.

Sa New Bilibid Prison pa lamang kung saan nakapiit ang halos 60% na mga bilanggo sa bansa ay 344% na ang congestion rate. Sa bilang ng mga Persons Deprived of Liberty o PDL, halos limang beses na marami sa ideal capacity ang kasalukuyang nakapiit.

Kung susundin po natin ang ideyal na jail and prison population density, kada bilanggo ay mayroon dapat na 4.7 square meter na espasyo. Sa mga bilangguan ng Bureau of Corrections, lumalabas na ang espasyo sa kulungan na para dapat sa isang tao lamang ay tatlong tao ang nagsisiksikan.

Personal at sensitibo po sa inyong lingkod sa usaping ito lalo na’t hindi lingid sa kaalaman ng lahat ang aking karanasan bilang dating akusado na naggugol ng tatlong taon sa loob ng piitan.

Sa isang punto, nais nating bigyang diin ang halaga ng sistema ng ating hustisya: ang pagkakabilanggo ay nagbibigay ng pagkakataon para sa rehabilitasyon at paghilom ng nasirang ugnayan ng isang bilanggo sa ating komunidad. Gayunman, dapat isaisip ng lahat na ang mga bilanggo ay mayroon ding buhay at dignidad tulad ng mga ordinaryong mamamayan.

Sa ilalim rin po ng ating Konstitusyon, ang estado ay may responsibilidad na tugunan ang pangangailangan ng mga nakabilanggong indibidwal at ng kanilang pamilya.

Ilan lamang po ito sa mga dahilan kung bakit ihinain ng inyong lingkod ang Senate Bill 235 na layuning magtatag ng penitentiary systems sa ilang rehiyon para tugunan ang problema sa New Bilibid Prison at iba pang penal farms.

Binibigyang diin ng panukalang ito ang pangangailangang matugunan ang lumalalang sitwasyon ng siksikan sa loob ng New Bilibid Prison at iba pang penal farms.

Nais po natin na higit na bigyang tuon ang epekto ng ganitong sitwasyon sa mga nakabilanggo na malayo sa kanilang pamilya at naghihintay ng huling pasya ng husgado. Sa napakalimitadong institusyon ng penitentiary sa buong bansa, lumilitaw na ang pagdalaw ng mga pamilya ng nabilanggo ay nagiging isang pribilehiyo – sa halip na karapatan – dahil sa mga hamon tulad ng malalayong pasilidad at mga gastusin sa transportasyon at akomodasyon ng bawat pamilyang bibisita.

Alam natin na mahalaga ang papel ng pamilya sa pagbibigay ng suportang emosyonal, moral at psychosocial sa isang indibidwal o PDL na naghihintay sa huling pasya ng husgado. Kaya naman dapat palawakin ang pagkakataon ng mga pamilya na makabisita sa kanilang mahal sa buhay na nasa loob ng bilangguan.

Nagagalak po tayo na makahanap ng kakampi sa layuning ito sa ating kagalang-galang na DILG Secretary Benjamin Abalos Jr. Ayon mismo sa kanya, maraming malulutas na problema ang pagtatayo ng mga kulungan sa mga probinsya para mabawasan ang overcrowding at mas lumawak ang oportunidad na mabisita ang mga PDLs ng kanilang mga pamilya.

Bago pa po rito, nagsaad din ng suporta si Justice Secretary Jesus Crispin Remulla sa ating panukala. Ika niya, ang regionalization ng mga bilangguan ay solusyon para ma-decongest o maging maluwag ang kasalukuyang overcrowding sa ating mga kulungan. Kaya naman inaasahan natin magbubunga ang ginagawang pakikipag-ugnayan ng ahensya sa ating mga local government units.

Malinaw ang ating tunguhin kasama ang ating mga ginagalang na opisyal sa gobyerno: maging daan ang serbisyo publiko para itaguyod ang katarungan, karapatan at kaayusan sa ating lipunan, para sa lahat, ano man ang katayuan sa buhay. Ni Robin Padilla

AUTHOR PROFILE