Default Thumbnail

Wala akong balak magpolitiko!

October 10, 2022 Erwin Tulfo 240 views

TulfoMAY mga opisyal ng pamahalaan ang nagsasabi na sila’y “sala sa init, sala sa lamig.”

Naiintindihan ko na ngayon bilang kalihim ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Kapag napakahusay mong nagagampanan ang iyong tungkulin, ang sabi-sabi ay malamang naghahanda ka nang tumakbo sa darating na eleksyon.

Kung mayroon ka namang isang pagkakamali o may kapalpakan sa iyong kagawaran, asahan mong hindi sila mag-aaksaya ng oras para batikusin ka.

Ika nga ni Eleanor Roosevelt, “Do what you feel in your heart to be right, for you’ll be criticized anyway. You’ll be damned if you do and damned if you don’t.”

Makaraan ang eleksyon , ako ay lubos na nagalak sa karangalan na mapabilang sa Official Family of President Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. (PBBM).

Sa mahigit 30 taon, ako ay tuluy-tuloy na nagbigay ng serbisyo-publiko gaya ng aking mga kapatid at libu-libong kababayan natin ang aming natulungan.

May kinakapos sa pagkain, may nangangailangan ng gamot, pambayad sa ospital, pampalibing at may mga humihingi ng hustisya sa pang-aapi ng mayayaman o abusadong awtoridad.

Ngunit hindi ako nagdalawang-isip ng iharap ni PBBM ang hamon ng pagiging DSWD Secretary.

Nakita ko na mas marami akong matutulungan na mahihirap na Pilipino sa buong kapuluan.

Sa kabila ng maraming taon na aking pagtulong sa kapwa kasabay ng aking propesyon bilang brodkaster at dyarista, hindi ako kailanman nangarap na maging pulitiko tulad ng aking mga binabatikos.

Masaya at matagumpay ako sa aking trabaho sa dyaryo bilang kolumnista, sa radyo bilang komentarista at news anchor sa TV.

Hindi ko tinitingala ang mga pulitiko bilang nakatataas sa aming mga taga-media o Fourth Estate.

Ngunit may mga tao na intrigero, inggitero at Marites na nagkakalat ng “fake news” na ako ay naghahanda nang tumakbo sa susunod na halalan.

Ang totoo po ay balak ko nga na tumako sa 2025 at 2028 at iyan ay sa marathon o triathlon…hehehe

Alam nyo, never ko ginustong maging senador o kongresman at makipag-debate tungkol sa pagpapapalit ng pangalan ng ating international airport o kung sino ang dapat maging national hero: si Lapulapu, Andres Bonfacio o Dr. Jose Rizal.

Noong 2016, sinoplak ko nga ang paanyaya ng isang major political party para isama ako sa kanilang senatorial slate dahil malakas ang rating sa surveys on senatoriables.

Ang Anti-Crime and Terrorism through Community Involvement and Support (ACT-CIS) Partylist ay nag-anyaya rin sa akin bilang first nominee sa 2019 mid-term elections ngunit tinanggihan ko rin.

Noong May 2022 polls, muling hiniling ng ACT-CIS na ako ang kanilang gawing first nominee ngunit muli akong nagpaubaya sa iba.

Isang Quezon City group ang nag-alok ng suporta para tumakbo akong QC second district House seat ngunit tinanggihan ko rin ito at sinuportahan ko sa halip si Ralph Tulfo, ang aking pamangkin.

Isang malaking karangalan at lubos kong ikinatutuwa ang paglilingkod-bayan sa DSWD sa pagtitiwala ni PBBM.

Ang aming first 100 days ay ginugol sa relief operations dahil sa sunud-sunod na kalamidad sa iba’t-ibang rehiyon.

Isinasaayos din namin ang mga DSWD assistance programs tulad ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) at educational assistance to students returning to face-to-face classes.

Sa pakikipagtulungan sa Public Attorney’s Office (PAO), hahabulin din namin ang “deadbeat dads and moms” na nag-ghosting sa kanilang mga kawawang tsikiting.

Totoong abalang-abala ako sa pagtulong sa PBBM leadership na buwagin ang cycle of poverty sa bansa.

Wala akong oras sa pulitika at malayo pa ang pagtakbo ko sa 2025 at 2028 marathon !!! Sa mga kinakabahan dyan na politico na akala ay labanan ko sila sa halalan, wag mag-alala…WALA AKO INTERES SA PWESTO NA INAASAM-ASAM MO.

AUTHOR PROFILE