Default Thumbnail

Paglaban sa dengue paiigtingin sa Maynila

May 31, 2023 Edd Reyes 219 views

NAGPASA ng resolusyon ang Sangguniang Panlungsod (SP) ng Maynila, sa pangunguna ni Vice Mayor Yul Servo Nieto, na nananawagan para sa mas mataas na kampanya sa kamalayan at pag-iwas sa dengue sa lungsod sa kanilang regular na sesyon araw ng Martes, Mayo 30, 2023.

Hinihikayat ng City Council Resolution 7437, na inakda ni 5th District Councilor Ricardo “Boy” Isip, Jr., ang lahat na makibahagi sa paglaban sa nakamamatay na sakit, na binanggit na mula sa pagiging pana-panahong karamdaman, ito ay naging problema sa buong lungsod sa buong taon.

Halos dumoble ang mga kaso ng dengue ang naitala sa unang tatlong buwan ng 2023, na may mga kaso na tumaas sa 27,670 sa buong bansa mula sa 14,278 sa parehong panahon noong nakaraang taon, na nagresulta sa pagkamatay ng 92 katao.

Sinabi ni Vice Mayor Nieto na napapanahon ang resolusyong ito dahil sa nalalapit na National Dengue Awareness Month, na ipinagdiriwang tuwing Hunyo.

Ito aniya ay nagpapaalala sa lahat na gawin ang apat na “S” ng pag-iwas sa dengue, kabilang ang “Suyurin” at sirain ang mga pinamumugaran ng mga lamok; “Sarili” ay protektahan laban sa lamok; “Sumangguni” agad sa pinakamalapit na pagamutan kapag may naramdamang sintomas; at “Sumuporta” sa pagpapausok o ang “misting” o “fogging” kapag may banta ng outbreak.

Ang resolusyon ay tumanggap ng nagkakaisang suporta ng buong Konseho, kabilang ang namumunong opisyal nito na si Vice Mayor Nieto.

Ginunita rin ng ilang konsehal na nagkaroon ng karanasang magka-dengue na muntik na nilang ikamatay, kabilang sina Konsehal Krys Bacani na kinailangan ang 12-bag ng dugo habang bumagsak naman ang platelet count ni Konsehal Awi Sia ng hanggang 11, may ilang taon na rin ang nakakaraan.

Ang mga kopya ng resolusyon ay ipapadala sa lahat ng kinauukulang tanggapan sa lungsod, kabilang ang mga barangay, simbahan, pampublikong pamilihan, pampublikong ospital, Division of City Schools, at sa tanggapan ni Mayor Maria Sheilah “Honey” Lacuna-Pangan.

AUTHOR PROFILE