Default Thumbnail

Paglabag sa karapatan ang SIM card registration?

April 19, 2023 Allan L. Encarnacion 340 views

Allan EncarnacionHINDI ko mahanapan ng paliwanag kung paanong naging paglabag sa freedom of expression at freedom of speech ang batas na nag-aatas sa lahat na irehistro ang kanilang mga SIM cards.

Malapit-lapit na ang deadline ng SIM card registration. Sa Abril 26, 2023 ang itinakda ng gobyerno na makapagparehistro ang lahat. Sa ngayon, sinasabi ng DICT at ng NTC na nasa 71 million na ang rehistradong SIM cards, halos 50% pa lamang ito mula sa sinasabing 140 million plus na inilabas ng telcos na SIM cards.

May mga nagpepetisyon sa korte na ipatigil ang registration dahil nga pagsagka umano ito sa karapatang makapagpahayag ng mga holders nito.

“Hello, Mr Juan dela Cruz, mananalo ka ng P1 million kapag pumasok ka sa link na ito….123456.” Tapos pag-click mo, kuha na lahat ng bank details mo, ubos ang pera sa bangko. Freedom of expression ba ang tawag nyo rito?

“Kapag hindi ka nakipagkita sa akin, ilalabas ko lahat ng hubad na larawan mo,!” Freedom of speech rin ba ito?

“Babala, may sasabog na bomba sa inyong Library ngayong alas-diyes ng umaga!” Kasunod ng mga ganitong txt, nag-panic ang mga estudyante, nagtakbuhan palabas at kinansela angh klase.

Tanong, karapatan pa bang matatawag ang magpakalat ng ganitong text at lumikha ng kaguluhan at takot sa bakuran ng mga paaralan?

Ewan ko kung kaninong tadyang hinugot ang mga taong kumukuwestiyon sa SIM card registration. Hindi ko rin alam kung pamilyar sila sa paggamit ng cellphone na may SIM card bilang detonator ng mga bomba. Hindi pa rin nila siguro alam kung ilan na ang namatay dahil dito sa atin at sa bung mundo.

Huwag n’yo nang gamitin ang abroad bilang ehemeplo dahil ako mismo, kapag gagamit ng SIM card sa Amerika, kailangan mong ibigay ang passport para pa-photo copy nila at maging national file. Bakit ako pumapayag? Una, wala naman akong balak gamitin ang telepono para mang-scam ng mga Amerikano, pangalawa, wala namang masama kung kunin nila ang kopya ng aking passport dahil kailangan kong magpasakop sa kanilang sistema.

Totoong hindi 100% na ligtas na tayong lahat sa scam or sa anumang kalokohan sa telepono kapag nairehistro na ang mga SIM cards. Wala itong garantiya dahil ang mga kriminal naman, kung kaya lang pagkakitaan ang hangin at ulap ay kanilang gagawin.

Ibig sabihin, mayroon at mayroon pa ring makakaisip ng paraang makapambiktima dahil panlokoko nga sa kapwa ang pinakakain nila sa kanilang pamilya. Pero naniniwala tayong malaking kabawasan ito at malaking bagay na magdalawang isip ang mga kriminak na gumamit ng registered SIM cards sa kanilang krimen.

Kaya nga lang, ang gagawin naman nila, mang-aagaw or magnanakaw ng mga cellphone na magagamit nila sa kanilang mga krimen. Mas malaki naman ang magiging sakit ng ulo ng mga pulis pero kasama sa kanilang trabaho ‘yan.

Ang bottomline lang naman, walang matinong tao ang hindi papayag na mairerehistro ang kanyang SIM dahil proteksiyon niya rin iyon at proteksiyon ng kanyang pamilya ang sistema ito na pakikinabangan nating lahat.

[email protected]