LTO

Paggamit ng LTO sa pondo ipinaliwanag

April 29, 2023 Jun I. Legaspi 383 views

HINDI nanggagaling sa arawang koleksyon ng Land Transportation Office (LTO) ang ginagamit na pondo sa paggawa ng driver’s license, plaka ng sasakyan, at sa kabuuang operasyon ng ahensya.

Ipinaliwanag ni LTO Finance Division Chief Marivic Lopez na araw-araw (o kinabukasan ng umaga) ding nire-remit o ipinadadala ng ahensya ang koleksyon nito sa Bureau of the Treasury.

Tinukoy ni Lopez na ang taunang alokasyon ng Kongreso sa ilalim ng General Appropriations Act (GAA) ang pinagkukunan ng badyet ng LTO para sa operasyon at pagbili ng raw materials.

“The LTO is not authorized to retain funds collected/received from the day-to-day operations. All funds collected are remitted the following day. Ang pondo ng LTO ay galing sa GAA at hindi galing sa daily collections,” pahayag ni Lopez.

Muling namang nilinaw ng LTO na hindi dahil sa kakulangan ng pondo ang ugat ng paubos nang suplay ng plastic cards para sa lisensya at ang nakaamba ring pagkaubos ng suplay ng plaka kundi ang naaantalang procurement o pagbili ng mga raw material.

Kung tutuusin ay ipinagpapasalamat din ng LTO ang pagtugon ng dalawang Kapulungan ng Kongreso sa pagbibigay ng alokasyon para maihabol ang mga backlog sa plaka.

AUTHOR PROFILE