Lacuna Nakikinig nang Mabuti si Manila Police District (MPD) Director P/BGen. Andre Dizon sa paliwanag ni Mayor Honey Lacuna-Pangan ukol sa kahalagahan ng mandatory face mask sa loob ng Manila North at South Cemeteries sa nalalapit na Undas. Kuha ni Jon-jon Reyes

Paggamit ng face mask sa loob ng sementeryo iniutos ni Mayor Honey

October 17, 2022 Edd Reyes 387 views

MAKARAANG mapaulat ang posibilidad na makapasok ng bansa ang bagong COVID-19 Omicron subvariant XBB, pinaalalahanan kaagad ni Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan ang publiko na maging maingat, lalo na sa mga magtutungo sa Manila North at South Cemeteries na bibisita sa puntod ng namayapang mahal sa buhay sa Nobyembre 1 at 2.

Sinabi ni Mayor Lacuna-Pangan na bagama’t maituturing na malawak na espasyo ang dalawang pangunahing Kampo-Santo sa Lungsod ng Maynila, kinailangan na munang ipatupad ng Pamahalaang Lungsod ang mahigpit na implementasyon sa pagsusuot ng face mask sa panahon ng paggunita sa Araw ng Undas kung saan milyong tao ang dadagsa sa mga sementeryo.

Aminado naman ang alkalde na mahirap maipatupad ang physical at social distancing sa Araw ng Undas dahil inaasahan ang napakaraming taong dadagsa sa Manila North at South Cemeteries kaya’t pinayuhan na lamang niya ang mga tao na doblehin ang kanilang pag-iingat.

Nauna rito’y ini-anunsiyo ni Mayor Honey na pahihintulutan na ng lokal na pamahalaan na makapasok sa loob ng Kampo-Santo ang mga batang may edad na 12 pababa na “fully vaccinated” na nagpapabago sa una niyang direktiba na bawal ang mga bata na nasa naturang edad na makapasok sa mga sementeryo mula Oktubre 29 hanggang Nobyembre 2.

Nanawagan din ang alkalde sa lahat ng mga taong wala pang bakuna, lalo na ang mga matatanda at may mga nararanasang karamdaman, na huwag ng magtungo sa sementeryo sa paggunita ng Undas at sa halip ay ipagdasal na lamang ang kanilang namayapang mahal sa buhay sa kani-kanilang tahanan.

Kasabay nito’y umapelang muli si Mayor Lacuna-Pangan sa mamamayan na nagdadalawang-isip pang magpabakuna na bumisita na sa kanilang anim na pampublikong pagamutan o pinakamalapit na health centers sa kanilang tirahan para magpabakuna bilang proteksiyon laban sa nakahahawang sakit na COVID-19.

“Libre naman po ang bakuna laban sa COVID-19 at makakatulong po ito sa lahat bilang dagdag proteksiyon laban sa mapanganib na virus, lalo na po sa mga senior citizens at mga taong may dinaranas na karamdaman,” panawagan pa ng alkalde.

AUTHOR PROFILE