Default Thumbnail

Pabahay sa mahihirap

September 8, 2022 Marlon Purification 5082 views

Marlon PurificationMARAMING administrasyon na ang nagdaan pero ang mga pangakong pabahay sa mahirap ay hindi napatutupad para sa lahat!

Ibig sabihin, kung mayroon mang nagkakabahay, iilan lamang sila kumpara sa mayorya ng lipuna.

Sa Senate Bill 1232 o Free Housing Through Usurfruct Act of 2022, nais ni Senador Lito Lapid na magbigay ang pamahalaan ng ligtas, disente at murang pabahay para sa mahihirap na pamilyang Pilipino.

Sa ilalim ng panukala, binigyang diin ni Lapid na ang housing program ay bubuuin para payagan ang mga benepisyaryo ng libreng paggamit ng property bilang ‘usufructuary’ kung saan mananatili sa gobyerno ang ownership at title na naturang ari-arian.

“Marami na tayong mga naging government housing programs pero ang mga pabahay na ito ay kadalasang tumatakbo sa ilalim ng prinsipyo ng pagbebenta ng mga pabahay sa mga benepisyaryo sa abot-kayang presyo na babayaran nila sa paglipas ng panahon,” paliwanag ni Lapid sa panukala.

“Gayunpaman, sa maraming pagkakataon, ibinebenta ng mga benepisyaryo ang mga pabahay na iginawad sa kanila upang pagkakitaan sa halip na gamitin ang mga ito para sa kanilang mga pamilya. Taliwas ito sa layunin ng mga programa natin sa pabahay na nais bigyang tahanan ang bawat pamilyang Pilipino,” dagdag pa niya.

Ayon ka Lapid, noong unang sigwada ng dekada 90, maraming housing finance program ang nag-alok ng long-term at low-interest rate loans sa mga mahihirap na Pilipino subalit hindi naging matagumpay dahil sa mortgage defaults, poor collection efforts, at iba pa.

“Even with the existence of low-cost housing, which should be inexpensive, the same cannot still be afforded by the intended beneficiaries,” saad ni Lapid.

“Noon pa man, kahit na mayroon nang mga murang pabahay ang gobyerno, kadalasan ay hindi pa rin ito kayang bayaran ng mga benepisyaryo. Kaya ito pong ating isinusulong na panukalang batas ay layunin nang makapagbigay ng libreng pabahay sa mga mga kapus-palad at mga pamilyang Pilipinong walang tirahan, na walang anumang lupang pagmamay-ari saanman sa bansa, sa pamamagitan ng usufruct,” ayon kay Lapid.

Sa ilalim pa ng panukala ni Lapid, tanging ang mga kapus-palad at homeless na mga pamilyang Pinoy na walang pag-aaring property saan mang bahagi ng Pilipinas ay magiging benepisyaryo ng mga libreng free housing usufruct program.

Subalit maaari naman umanong ibigay ng LGUs at iba ahensiya ng gobyerno ang benepisyo sa mga kuwalipikadong kawani bilang bahagi ng kanilang employee housing program.

Sa ganang akin, napakagandang panukala ito na sana’y maipatupad sa lalong madaling panahon.

Umaasa tayong maraming mambabatas mula sa Mataas at Mababang Kapulungan ng Kongreso ang susuporta sa programang ito upang ang pangarap ng lahat na magkabahay ng mura mula sa pamahalaan ay malasap ng lahat.