BOC2

P218M halaga ng shabu nasamsam ng BOC sa NAIA

April 18, 2024 People's Tonight 64 views

TINATAYANG P218.48 milyong halaga ng shabu ang nasamsam ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) noong Miyerkoles sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Ayon kay BOC Commissioner Bienvenido Rubio mayroong natanggap na impormasyon ang mga tauhan ng ahensya kaugnay ng package na mayroon umanong kahina-hinalang laman.

Ang package ay dumating sa Paircargo warehouse facility sa NAIA mula sa Zimbabwe noong Abril 13. Idineklara itong mga “machinery muffler”.

Ipinadala ang package ng isang Isaac Chikore mula sa Harare, Zimbabwe at consigned kay Christine Tigranes, ng Balingasa Queen, Manila.

“The examination of the shipment and K-9 sweeping discovered what was described as white crystalline substances hidden inside the mufflers. The initial test conducted on these substances yielded a positive result for the presence of methamphetamine hydrochloride or shabu,” ani Commissioner Rubio.

Umabot umano sa 32.13 kilo ang shabu na itinago sa package.

Ang nadiskubreng shabu ay nagresulta sa pagkakaaresto kay Tignares na nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Section 118 (prohibited importation and exportation) at Section 1400 (misdeclaration) kaugnay ng Section 1113 (property subject to seizure and forfeiture) ng Customs Modernization and Tariff Act (CMTA) at Republic Act No. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Muling inulit ni Commissioner Rubio ang suporta ng BOC sa kampanya ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. laban sa ipinagbabawal na gamot.

AUTHOR PROFILE