P.8M shabu nakuha sa ‘tulak’ sa Valenzuela

November 27, 2022 Edd Reyes 110 views

MAHIGIT P.8 milyong halaga ng shabu ang nakumpiska ng pulisya sa 42-anyos na tulak na ilegal na droga sa isinagawang buy-bust operation Linggo ng umaga sa Valenzuela City.

Sa kanyang ulat kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Director P/BGen. Jonnel Estomo, sinabi ni Valenzuela police chief P/Col. Salvador Destura, Jr, na kaagad niyang pinamanmanan ang kilos ni Turin Razul, 42, nang makarating sa kanilang kaalaman na dumadayo pa sa pagbebenta ng ilegal na droga sa kanilang lungsod ang suspek na itinuturing na High-Value Individual (HVI) mula sa kanyang tirahan sa Brgy. 33 sa Tondo, Manila.

Nang makumpirma ang ilegal na aktibidad ni Razul, kaagad nagsagawa ng buy-bust operation ang mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni P/Lt. Joel Madregalejo dakong alas-8:15 ng umaga sa McArthur Highway, Brgy. Malanday, malapit lamang sa hangganan ng lalawigan ng Bulacan na nagresulta sa kanyang pagkakadakip.

Nakumpisa kay Razul ang humigit kumulang na 120 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P816,000.00 at markadong salapi na kinabibilangan ng apat na P500 genuine bill at 16 na pirasong P500 na boodle money, pati na ang isang cellular phone na ginagamit niya sa ilegal na transaksiyon.

Pinuri naman ni Regional Director BGen. Estomo ang mga tauhan ng Valenzuela police na pinamumunuan ni Col. Destura, pati na ang pakikiisa ng mamamayan sa pagbibigay ng impormasyon sa ilegal na gawain ng mga taong sangkot sa ilegal na droga.

“Makakaasa kayo na laging may pulis na makikita, mararamdaman, maasahan at matatakbuhan dahil sa S.A.F.E. NRPO, ligtas at may masusumbungan kayo,” sabi pa ni BGEN Estomo.

AUTHOR PROFILE