Duterte

Our country, our rules…No to ICC inquiry

January 26, 2022 People's Tonight 608 views

TulfoDAHIL papalapit na naman ang halalan, natanong ang ilang presidential candidates kung sang-ayon sila na mag-imbestiga at kasuhan ng International Criminal Court (ICC) ang ating mga lider ng paglabag sa batas o sa karapatang pantao.

Target kasi ng ICC noon pa na imbestigahan at kasuhan si Pangulong Duterte ng paglabag sa karapatang pantao at “genocide” o malawakang patayan ng mga biktima sa war on drugs ng pamahalaan.

Ang problema, nagka-ideya lang ang mga mahistrado sa ICC hinggil sa mga nasabing human rights violation at “summary executions” daw ng Duterte government matapos magreklamo sa kanila ang opisisyon at mga kontra sa kasalukuyang administrasyon.

Ang masama pa, bagamat ilang beses ng nagpaliwanag at itinanggi na rin ng kasalukuyang administrasyon ang mga paratang, tila mas pinapaniwalaan o pinapakinggan pa ng naturang korte ang sumbong sa kanila ng mga galit sa gobyernong ito.

Ito ang dahilan kung bakit kumalas na ang Pilipinas sa pagiging miyembro ng ICC noong 2018.

Alam kasi ng Duterte administration na walang mahihita na patas na imbestigasyon at hearing ang Pilipinas dahil pinakinggan agad ang sumbong ng mga kalaban ng pamahalaan at dinedma naman ang paliwanag ng kasalukuyang gobyerno.

Alam nyo ba na ang superpower na United States of America ay hindi miyembro ng icc dahil hindi ito naniniwala sa otoridad at kapangyarihan ng naturang korte para manghimasok at kasuhan ang kanilang mga lider?

Kaya ang tanong ngayon, dapat nga bang manghimasok ang ICC sa mga problema natin at kasuhan ang ating mga lider?

Ang tanong pa rin ng ilan, hindi pa ba sapat ang ating mga hukuman para habulin at litisin ang mga nagkasalang opisyal ng pamahalaan?

Maging ang pangulo ay maaring kasuhan ng korte pagbaba niya sa pwesto dahil nawawala na ang tinatawag na “immunity” niya sa kaso.

Pero hind ba’t sampal ito sa ating mga hukuman na mas ipagkakatiwala natin ang paglilitis ng mga abusado at tiwali nating mga lider sa ICC kaysa sa korte natin?

Hindi ba sapat ang ating mga regional trial courts, Ombudsman, Sandiganbayan, Court of Appeals, at ang Korte Suprema?

Hindi ba’t may mga dati na rin tayong mga pangulo na naipakulong na ng ating korte dahil sa katiwalian at pang-abuso sa kapangyarihan?

So, para ano pa na dadalhin sa International Criminal Court ang kaso ng tiwali o abusado nating mga lider? Para ba ipahiya sila sa buong mundo???

Tayo ang naghalal sa kanila kaya nararapat lang na ilitis sila dito sa ating bayan.

Anong pakialam nga naman ng ICC sa ating bayan? Hindi naman mga Pilipino ang nakaupo diyan.

Our country…our rules!!!

AUTHOR PROFILE