Default Thumbnail

Obrero tiklo sa pananaksak sa Sta. Ana

October 12, 2022 Jonjon Reyes 306 views

INARESTO sa bisa ng arrest warrant ang isang construction worker dahil sa bigong pagpatay sa pamamagitan ng pananaksak noong Hulyo 26, 2015 sa Pasig Line Street sa Sta. Ana, Maynila.

Nakilala ang suspek sa alyas “Bolek” binata, residente ng nasabing lugar.

Batay sa ulat ni Police Major Rommel Purisima, hepe ng District Special Operation Unit ng Manila Police District (MPD-DSOU), bandang 12:00 ng tanghali nitong Miyerkules, nang bitbitin ng kanyang mga tauhan ang suspek sa Osmeña Highway sa panulukan ng San Andres St. sakop ng Bgy.737 sa Sta. Ana.

Ang akusado ay wanted dahil sa ginawang pananaksak sa isa umano nitong dating kaalitan at nagtago sa batas matapos ang insidente.

Nagkataon na natiyempuhan ang suspek na nagsusugal ng “cara y cruz” sa harap ng isang bahay sa Pasig Line St. nang mahuli ito ng operatiba.

Dahil sa pinaiiral ang “Simultaneous Anti-Criminality Law Enforcement Operation” (SACLEO) sa direktiba ni MPD Director Andre P. Dizon, patuloy ang operasyon ng DSOU para mabawasan ang mga kriminal sa Lungsod ng Maynila.

AUTHOR PROFILE