Default Thumbnail

Service crew dedo matapos barilin ng pulis-Kyusi sa ‘selos’

October 12, 2022 Melnie Ragasa-limena 360 views

PINAGHAHANAP ngayon ng pulisya ang kanilang kabaro na itinuturong bumaril sa isang service crew ng isang fast food chain dahil umano sa “selos” Martes ng gabi sa Quezon City.

Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), bandang 6:15 ng gabi (Okt. 11), nang maganap ang insidente sa tahanan ng biktima sa Barangay Salvacion QC.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ni Pat. Nestor V. Ariz Jr. ng CIDU, ang biktima at ang misis ng pulis ay kapwa service crew ng isang Chinese fast food restaurant.

Bago ang insidente, sinabi ng testigong babae na nagtanong umano sa kaniya ang mag-asawang lulan ng motorsiklo kung saan ang bahay ng biktima kaya sinamahan naman niya ang mga ito.

Nagulat na lamang umano ang saksi nang biglang komprontahin umano ng pulis ang biktima at sinabing buntis ang kaniyang misis at siya ang asawa.

Pagkatapos ay binunot ng pulis ang kaniyang baril at ilang beses na malapitang pinaputukan ang biktima bago tumakas ang mag-asawa.

Naisugod pa sa Chinese General Hospital ang biktima pero idineklara na itong “dead on arrival” bandang 7:15 ng gabi, sanhi ng maraming tama ng bala ng baril sa iba’t-ibang bahagi ng katawan.

Nasamsam sa crime secne ng SOCO-QCPD Forensic Unit na pinamumunuan ni P/Capt. Angay Angay ang apat na basyo ng bala ng cal. 45 at tatlong deformed bullets.

Tinutugis pa ng mga awtoridad ang nasabing pulis at ang misis nito upang panagutin sa ginawang krimen at ang tinitingnan pa nila ang tunay na motibo.